DESMAYADO tayo pero naawa rin sa ginawa ng isang security guard at ng mga pulis sa isang transgender woman na biktima ng ignoransiya sa batas at karapatan ng ating kapwa.
Hindi naman kaila na trending na sa social media ang naganap na diskriminasyon sa paggamit ng comfort room sa isang mall sa Araneta Complex, Cubao Quezon City, ng isang transgender woman.
Dahil alam ng transgender woman na pinapayagan ang gaya nila sa female CR siyempre doon sana siya papasok.
Pero hindi lang siya pinagsalitaan ng sangkot na babaeng security guard kundi hinila, binaltak sa buhok at higit sa lahat pinosasan pa saka dinala sa police station.
Pagdating sa police station, hindi pa agad tinanggal ang kanyang posas dahil nawawala umano ang susi.
Hindi kaya naisip ng mga gumawa niyan sa transgender woman na grabeng paglabag sa karapatang pantao ang kanilang ginawa?
Niyurak-yurakan nila ang dangal no’ng tao.
Unang-una hindi naman hardened criminal ang transgender woman, nagkataon lang na ignorante sa umiiral na city ordinance ang management ng establisimiyento at ang security guard.
Kaya hayon, parang kriminal na sinakote at pinosasan ang LGBT+ member.
Nang mahimasmasan ang babaeng security guard, siya mismo ay hinimatay sa kanyang ginawa. Habang ang biktimang transgender woman, nakapababa ng loob na nagsabing, ayaw naman niyang matanggal sa trabaho ang babaeng sekyu dahil kitang-kita naman umano na ang may kakulangan ay management.
Maging si Mayor Joy Belmonte ay nagsabing, may paglabag ang management ng mall dahil walang nakapaskil sa kanilang comfort rooms ng kopya ng ordinansa na ang transgender people ay maaaring gumamit ng CR, sa gender na pinili nila.
Hindi ba lohikal na ang transgender woman na nakabestida ay sa CR ng babae pumasok at hindi sa CR ng mga lalaki?!
At ganoon din naman siguro ang mga transgender man or men.
Pero ang dapat na maging aral sa insidenteng ito, dapat tandaan na hindi hardened criminals ang LGBT+ members kung wastong paggamit ng CR ang magiging isyu ng usapan.
Buti na lang, hindi ‘nanlaban’ ang transgender woman, dahil kung ganoon ang nangyari e baka pinaglalamayan na siya ngayon…
Arayku!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap