MULTO ang papel ni Kris Bernal sa GMA drama series na Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko at sa tunay na buhay ay naranasan na ni Kris ang multuhin!
“Sa bahay namin! Pero nakalakihan ko na siya, eh.”
Hanggang ngayon ay nakikita niya ang naturang multo pero hindi na natatakot si Kris.
“Shadow lang, hindi ko siya nakikita na clear na may mukha or whatever, but shadow.
“Noong una natatakot ako pero ngayon, takot pa rin pero sanay na, eh.”
Hindi alam ni Kris kung sino ang naturang multo, ayaw niyang ipagtanong dahil natatakot siyang malaman kung sino iyon.
“Baka may malaman pa ako, baka nga isipin ko, ‘Ay shucks, totoo nga ang nakikita ko.”
Walang pinagsasabihan si Kris sinuman sa pamilya niya tungkol dito.
“Walang may alam, hindi ako masyadong open ‘pag ganyan.”
May unang tumira sa bahay nila ni Kris na hindi niya matanong.
“Hindi ko na alam kung nasaan siya.”
Hindi ba siya nato-torture na hanggang ngayon ay nasa bahay nila ang multo?
“Hindi kasi hindi naman siya bad spirit.”
Multo pa rin ‘yun.
“Oo pero hindi naman niya ako ginugulo.”
Lalaki raw iyon base sa hitsura ng anino nito.
“Feeling ko nga may crush siya sa akin eh,” at tumawa si Kris. “Feeling ko, kaya hindi siya umaalis ng bahay.”
Sa bakuran lagi nagpapakita ang multo.
“Pero dahil hindi ako lagi nasa bakuran hindi ko siya nakikita roon kundi sa kuwarto ko.”
Pumapasok ang multo sa kuwarto ni Kris.
Mabuti kung may crush lang sa kanya ang multo, paano kung ma-obsess iyon sa kanya?
“Eh ‘yun ang mahirap…”
Hindi niya pina-bless ang bahay nila para mawala ang multo?
“Ewan ko, hindi ko sure kung ano ang magiging reaction ng family ko, eh. Baka isipin nila, ‘Ano ba itong si Kris? Ang weirdo nitong si Kris!’
“Kasi wala silang nararamdaman, eh.”
Mababasa ng family niya ang rebelasyon niyang ito.
“Okay lang kasi alam naman nilang lagi akong may ikinukuwento na natatakot ako, ganyan, alam nilang ako ‘yung pinaka-parang may nararamdaman sa house.”
Ano ang reaksiyon ng family niya?
“Wala, siyempre dahil wala silang nararamdaman, so deadma lang.
“Nakikita ko siya pero hindi naman lagi. Parang may oras lang.
“Okay naman, good spirit naman siya.”
Sa HSDNBK ay gaganap si Kris bilang Naomi na isang multo; asawa naman ni Matteo [Rayver Cruz] si Yvie [Megan Young].
Napapanood sa GMA Afternoon Prime, kasama rin sa Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko sina Kim Domingo as Katya, Ms. Boots Anson Roa as Adora, Sharmaine Arnaiz as Tina, Francine Prieto as Mercy, Beverly Salviejo as Yaya Vane, Denise Barbacena as Brooke, Analyn Barro as Tyra, Joaquin Manansala as Paul, at Euwenn Mikael Aleta as Santino.
Ang Hanggang Sa Dulo Ng Buhay ay sa direksiyon ni Jorron Lee Monroy.
Rated R
ni Rommel Gonzales