ILANG araw na ang nagdaan, ang dapat sana’y ipatutupad nang Security of Tenure Bill na pumasa na sa Kongreso ay hinarang mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung ating matatandaan, isa sa mga ikinahanga ng hanay ng mga manggagawa kay Digong ay ang binitiwan niyang pangakong wawakasan ang contractualization sa bansa.
In short, wala nang “endo” o tinatawag na end of contract.
Pero pasakalye lang ito sa aming paksa sa kolum na ito. Nahanapan lang namin ng konek ang power to veto ng Pangulo kaugnay ng nakabinbin pa ring renewal ng prangkisa ng ABS-CBN na magtatapos na ilang buwan na lang mula ngayon. March 2020, to be exact.
Sa isang umpukan kasama ang dati naming fellow police reporters ay ito ang naging sentro ng aming usapan. Sa print sila konektado, but they feel for their peers na kasama rin sa beat na mula sa naturang TV station.
Nitong June o July ay na-renew na ang may limang broadcasting networks kabilang ang isang religious channel. Tatakbo ang mga ito sa susunod na 25 taon.
Naiiwan pa rin hanggang ngayon ang ABS-CBN literally groping in the dark kung anong kapalaran ang naghihintay sa Lopez-owned company.
May mga tanong tulad ng itutuloy nga ba ni Digong ang pagpapasara nito, o lalambot kaya ang kanyang puso considering na hindi lang mga kawani ang tiyak na maaapektuhan ng closure kundi sampu ng kani-kanilang mga pamilyang umaasa sa kanila?
Hindi kaya ang posible ring senaryo’y matulad sa Security of Tenure Bill na pumasa na’t lahat sa Mababang Kapulungan, pero “binaril” one day before it was supposed to take effect?
Reality is that hindi lang ang mga empleado ng ABS-CBN ang nasa receiving end ng nagbabadyang pagpapasara ng network. Nariyan din ang sandamakmak na artista at talents ng Kapamilya Network na mawawalan ng kanilang ikinabubuhay.
Hindi lang sila.
Maging kaming nasa entertainment press ay aaray din, dahil saan ba kami kumukuha ng mga balitang iniuulat namin, hindi ba’t sa mga events o mediacons ng estasyon na nag-aanunsiyo ng kanilang mga bagong proyekto, mapa-TV man o pelikula?
Anong ipinupunto namin? Huwag sanang maging marahas si Digong sa kanyang desisyon dahil hindi birong ipasara ang isang malaking “pinggan” na kinakainan ng maraming nagugutom.
Kung patuloy niyang sinasabi na ang dahilan ay ang ‘di pag-ere ng kanyang paid political advertisements noong 2016 presidential elections ay siya at tanging siya lang ang naapektuhan.
Hindi ang napakalaking populasyon ng mga manggagawa ng ABS-CBN na walang kinalaman doon. Ganoon lang kasimple ‘yon.
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III