‘TOTOONG istorya na dapat makita.’ Ito ang tinuran ng isa sa mga bida ng Mina-Anud, Closing Film sa Cinemalaya 2019 sa August 10, sa CCP, 9:00 p.m..
Ang pelikulang ito rin ang nagwagi sa Basecamp Colour Prize sa Singapore’s Southeast Asia Film Financing (SAFF) Forum noong 2017 na nagtatampok kina Dennis Trillo, Jerald Napoles, at Matteo Guidicelli na gumaganap bilang mga drug pusher.
Ang mga pangyayari sa pelikula ay base sa real-life events noong 2009 sa Eastern Samar, na napakaraming bag ng cocaine ang inanod sa dalampasigan ng fishing village na siyang nagpabago sa buhay ng mga mamamayan doon.
Binuo ang pelikulang ito noong 2016, sa tulong na rin ng SAFF para magawa ang feature-length film na ito at magsama ang mga kilalang filmmaker at producer mula Southeast Asia at Europe para makipg-meeting sa international co-producing partner, festival programmer, distributor, commissioner, at financier.
Ang Mina-Anud ay ukol sa mahirap na komunidad na ang mga karakter ay natukso sa pagkakamal ng salapi sa pamamagitan ng paggawa ng ilegal na bagay.
Ito ang mga taong nauwi sa pagbebenta ng illegal drug para magkaroon sila ng mabilis na pgkakakitaan para maranasan ang magandang buhay at magkaroon ng mga kagamitang tulad ng flat screen televisions, motorcycles, kotse, at mga alahas.
Isang drug adik ang ginagampanan ni Dennis na lider muna ng Borongan surfers, pamilyado na may problema sa asawang si Gina, ang breadwinner.
Si Jerald naman si Carlo, isa sa magagaling na surfer sa village subalit nagiging laging pangalawa lamang sa pinakamagaling. Mapagmahal sa lola at pangarap ni Carlo na makasali sa isang international surfing competition at makapag-asawa ng isang Caucasian.
At dahil bigo sa buhay, nakakita sina Ding at Carlo ng pagkakataon para magkaroon ng magandang buhay, iyon ay sa pamamagitan ng pagbebenta ng droga.
Sinasabing ito ang pinaka-daring role ni Dennis. “Gusto kong gumawa ng ganitong film, totoo, matapang, para ito sa mga taong naghahanap ng iba, ‘yung mga hinahanap nila sa online (Netflix), kaya natin ibigay, sana panoorin nila sa big screen.
“Ito ang mga pelikulang masarap panoorin sa sinehan dahil sa maganda ang quality, maganda ang story, masayang panoorin kasama ng barkada. Mas ma-aapreciate mo at malaking pelikula ito.”
“Nag-audition ako rito, maraming nag-audition because the story is inspired by true events.
“Nabanggit na sa ‘kin ito noon ni Direk Kerwin, tapos biglang gagawin na pala talaga ni Regal and Epicmedia.
“Hindi ako nagdalawang-isip na mag-audition para makuha ang role.
“Hanggang ngayon may mga kaibigan ako sa industriya na nagsasabing, uyy gusto kong gumawa ng ganyang film.
“Kasi very interesting talaga ito. Siyempre ginalingan namin lahat dito para maikuwento ng maganda ang story. Totoong istorya na dapat makita ng mga tao sa sinehan,” sambit naman ni Jerald.
Si Matteo naman si Paul, aspiring celebrity at TV show host na nakipag-deal ng party drugs sa Manila’s elite at showbiz circles.
Ani Matteo: “I’m so happy to be part of the film. The Filipinos deserve to see this film.
“Sana they give us a chance to entertain them and inform them at the same time. I am thankful na makapagbigay kami ng ganitong klaseng kuwento.”
Nasaksihan naman ng personal ng direktor nitong si Kerwin Go, ang mga pangyayaring ito sa naturang lugar.
“I was there and witnessed this first hand. The characters in the film are all based on friends and acquaintances who gave in to the temptation of easy money. Some made it out with their wallets heavier, some weren’t lucky and would up in jail,” ani Kerwin.
Kasama rin sa pelikulang ito sina Alvin Anson, Mara Lopez, Anthony Falcon, Marc Felix, Lou Veloso, Richard Manabat, Dionne Monsanto, Elia Ilano, Lui Manansala, at Luke Landrigan.
Mapapanood ang Mina-Anud sa mga sinehan sa August 21.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio