ISANG simpleng dalaga na nakatira sa isla na mahilig sumayaw ang papel na ginagampanan ni Nadine Lustre sa pinakabagong handog ng Viva Films, ang Indak na kasama si Sam Concepcion.
Si Jen si Nadine na kahit magaling sumayaw ay hindi maipakita ang galing sa tao hanggang sa nag-viral ang isang video na nagsasayaw siya at napanood ni Vin (Sam), lider ng dance group na Indak Pilipinas.
Ani Nadine, nakare-relate siya sa karakter na ginagampanan niya sa dance-drama movie dahil katulad ito ng mga dagok na dumating sa kanyang buhay na nakayanan niyang lampasan.
Sambit ni Nadine, “ine-embody ko na si Jen na kung madapa ay tatayo lang.”
Kaya payo ni Nadine sa kanyang fans, “‘Wag matakot kung ano ang dreams ninyo, i-push n’yo lang kasi kung matatakot o aatras ka na forever, na mawawala iyon. Parang istorya ko nga ‘yun eh.”
Blessings din, aniya ang pagdating ng Indak na pabibilibin muli tayo ng Multimedia Princess na kapapanalo lang ng back to back Best Actress award mula sa FAMAS at Gawad Urian.
Sa Indak, makikita nating muli ang galing ni Nadine sa pagsayaw. Tanda pa namin ang tinuran noon ni Teacher Georcelle ng G Force, isa si Nadine sa magagaling niyang estudyante. Kaya asahan na ang pag-indak ng todo ng aktres.
Bukod sa magagandang choreography, maririnig din sa INDAK ang Official Soundtracks na Sumayaw sa Indak ni Nadine tampok sina Pio Balbuena at Shehyee, ang madamdaming version ni Sam ng Ikot-Ikot at ang mahugot na version ni Janine Teñoso ng Hindi Tayo Pwede.
Ang Indak ay idinirehe ng number one concert director na si Paul Alexei Basinillo. Ito ay kinunan sa magandang isla ng Bantayan sa Cebu at sa South Korea.
Mapapanood na ang Indak sa August 7 sa mga sinehan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio