MALAKAS ang dating nitong Star Circle 16 member na si Javier “Javi” Benitez, kaya hindi kataka-takang maraming girls ang kinikilig kapag nakikita siya. Subalit hindi ang pagiging matinee idol ang target niya sa showbiz, kundi ang pagiging action star.
Nakahuntahan namin ang binata at masarap itong kausap lalo’t tungkol sa action ang usapan. Ito kasi ang hilig niya at gusto niyang gawin sa showbiz. Si Lito Lapid nga ang idolo niya sa action samantalang si John Lloyd Cruz naman drama.
“Ang galing kasi ni Lito, siya ang gumagawa ng mga stunt niya. Sobrang liksi pa rin niya at his age. I was supposed to visit his set pero he sent me na lang a video to me. Sobrang kinilig ako kasi idol ko siya,” pagbabahagi ni Javi.
Magbibida na nga siya sa Kid Alpha One ni Richard Sommes na action na action base sa ipinakita niyang teaser/trailer sa amin kahapon ng tanghali sa isang tsikahan na ginawa sa Terrace Manila.
Grabe ang mga aksiyong ginawa ni Javi sa pelikula na parang hindi siya masyadong hirap gawin ang mga iyon dahil nag-aral siya ng Filipino Martial Arts.
“Four to five months kami nag-training ng arnis, knife, stick, Muay Thai na may background na ako kaya hindi na ako hirap, at gun training –shotgun, pistol, at ripple.
“Halos three weeks ini-rehearse naming ang fight scene ko. Kaya importante sa amin ang training, proper preparation pati mga stuntmen, lahat, so gusto naming lahat na maipagmalaki itong pelikula,” sambit pa ni Javi.
Makakasama na rin siya sa The General’s Daughter ni Angel Locsin. Gagampanan niya ang isang IT tech.
“Nakapag-taping na ako at kasama ko agad sina Angel Locsin at Albert Martinez,” masaya at excited niyang pagbabalita.
Bago pa man naging Star Circle 16 si Javi, nag-host na siya ng TV show na Sports Kidz noong 2007 sa edad na 13-14. At naging co-host siya ng kanyang amang si Cong. Albee Benitez sa Gamechanger. Sa Sports Kidz napili sila base na rin sa galing nila sa kani-kanilang sports.
“The show is about kids talking about sports, ‘By kids for Kids.’ Si Anton Asistio siya ‘yung basketball champion, si Chynna Mamawal ng tennis, Katrice delos Reyes, ng Milo commercial at sa ice skating at ako naman go-kart racing. Sobrang totoy ko pa roon.
“Mostly hosting ang background ko and sa school ko naging part ng theater. Naging lead actor ako sa isang play and then I never thought na magiging full time job ang showbiz. Until Sept. sumali ako sa workshop. Ang deal, if you like the workshop, stay but if not, think about other options.
“Pero nagustuhan ko. Kasi ang acting pala is more than just … complicated kasi ‘yung mga emotion mo, past experience on how to properly express it…that’s when I found out I wanna explore more. So medyo na-finalize noong December, kaya tuloy-tuloy na ito,” pagkukuwento ni Javi.
At ang gustong ni Javi, maging action star. “Siyempre open din sa iba para maging versatile, pero ang preferred ko talaga is action. I think as a sportsman, athletic ako since bata pa. So talagang gusto kong ipakita iyon on screen at natural ang galaw.”
Kaya naman super excited na siya sa The General’s Daughter, ang 1st acting assignment niya. “’TGD’ agad at ‘yung unang eksena ko kasama sina Angel, Tito Albert, at Paulo (Avelino), interrogation ang eksena.”
Masaya ang 22-anyos na binata sa pagpu-full-time sa showbiz dahil suportado siya ng kanyang mga magulang sa kanyang career sa showbiz.
Makakasama ni Javi sa Kid Alpha One si Sue Ramirez at wish niyang makatrabaho rin sina Liza Soberano at Julia Barretto
Sa kabilang banda, hindi naman niya nakikita ang sarili na papasukin ang politika dahil aniya, puwede siyang makatulong kahit wala siya rito.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio