NAPAKALAKI ng naging papel ng National Telecommunications Commission (NTC) upang tuluyang maging masaya ang maraming Filipino consumer sa iba’t ibang serbisyong ibinibigay ng mga telecommunications company (telco).
Mukhang naging epektibo ang tambalan sa trabaho nina NTC Commissioner Gamaliel Cordoba at ng noo’y Department of Information and Communications Technology (DICT) acting secretary na si Undersecretary Eliseo M. Rio upang mapaglingkuran ang mamamayan at itotodo pa ang pagseserbisyo para sa mga Filipino consumer ngayong nakaupo na si former Senator Gringo Honasan bilang bagong kalihim ng departamento.
Maaari nang simulan ng third telco player na Dito Telecommunity Corporation (dating Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. o MISLATEL) ang paglalatag ng kable at pagtatayo ng impraestruktura matapos ibigay sa kanila ni Presidente Rodrigo Duterte noong Lunes sa Malacañang ang Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN).
Ang pangako ng Dito Telecommunity Corporation sa publiko ay 37.03% national coverage na may average speed na 27 Mbps sa unang taon ng kanilang operasyon next year.
Isa sa campaign promises ni Duterte noong 2106 ang magkaroon ang bansa ng isa pang telco player at nagtrabaho nang husto sina Cordoba at Rio upang matupad agad ang isa sa mga naging pangunahing kautusan ng Pangulo nang manalo sila.
Ayon kay Cordoba, ang pagpasok ng Dito Telecommunity Corporation ay mas lalong magpapasigla sa kompetisyon sa hanay ng mga telco at magreresulta ito sa pag-angat ng kalidad ng mga serbisyong pangtelekomunikasyon. Panalo tayo kapag ganito, ‘di ba?
Dahil sa NTC, napapakinabangan na ng Pinoy telco subscribers ang tinatawag na “mandatory unlocking of mobile phones and devices” na ipinag-utos ng NTC sa Globe at Smart. Ibig sabihin, kapag napaso na ang lock-in period, magiging open line na ang mobile phone o device mo. Malaking bagay at praktikal ang kalayaang makapamili ng gusto mo talagang mobile network provider.
Pinangunahan din ng NTC ang pagpasa ng isang batas ukol sa mobile number portability na tinitiyak na “may forever” ang isang isang mobile phone user sa kanyang SIM card number kahit magpalit pa siya ng mobile network o mag-postpaid mula prepaid o vice versa at wala itong charge.
Kasabay nito, agad na sinang-ayunan ng dalawang higanteng telco ang implementasyon ng “common tower policy” na ipinanukala ng NTC.
Ang common tower policy ay makapagpapababa sa gastusin sa operasyon ng mga telco at makakarating na ang signal kahit sa mga liblib na lugar. ‘Di ba ang ganda?
QC Mayor Joy B, may palabra de honor
Kahanga-hangan talaga ang bagong halal ng Quezon City, si Mayor Joy Belmonte. Bakit? Kung ano siya noong bise alkalde siya ng lungsod, ganoon pa rin ang ale – mayroon siyang palabra de honor. Self explanatory na ‘yang palabra de honor ha.
Nitong 30 Hunyo 2019, nasaksihan natin ang pormal na pag-upo ni Mayor Joy bilang alkalde ng Kyusi. Ang kanyang oath taking bilang bagong halal ng alkalde.
Kasunod ng panunumpa ang inaugural speech – maraming inilatag na magagandang plano ang alkalde. Nandiyan ang pabahay, edukasyon, micro business sa single parents, libreng gamot sa bawat health center, feeding program, at maraming iba pa.
Isa rin pala ang tulong pinansiyal sa mga nasunogan.
Sa kanyang talumpati, binanggit niya na agad bibigyan ng ayudang pinansiyal ang mga nasunogan. Makatatanggap agad sila ng tulong sa loob ng tatlo hanggang limang araw, hindi tulad ng nakaraang admin na 2 buwan hanggang 6 buwan.
Hayun agad na hinamon ng tadhana ang alkalde – may mga nasunogan – 57 pamilya sa Brgy. Bahay Toro nitong 1 Hulyo, isang araw makalipas ang inaugural speech ni Mayor Joy B.
Tulad ng ipinangako ng alkalde, makalipas ang 3 araw, agad niya iniabot ang tulong pinansiyal sa 57 pamilya na nawalan ng tahanan.
P2,000 cash sa mga may-ari ng bahay habang P1,000 sa mga nangungupahan.
Ano pa bang dapat natin sabihin kung hindi, iyan ang action lady…may isang salita!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan