KATULAD ng ibang artista, dating taga-ABS-CBN si Andrea Torres bago lumipat sa GMA.
Kaya hiningan namin si Andrea ng reaksiyon sa usapin ng pagkaka-freeze ng renewal ng franchise ng Kapamilya Network.
“Actually wala akong… parang natatakot akong magsalita sa isang bagay na hindi ko alam ‘yung full details. Na hindi ako kasama talaga roon sa ano nila…”
Si Andrea ang female lead (at nasa titulo) ng bagong soap opera ng GMA, ang The Better Woman.
Kaya mas lamang sa kanya ang pressure at pagkakaatang sa kanyang mga balikat ng ikatatagumpay ng show kaysa kay Derek Ramsay na leading man niya sa show.
“Nape-pressure naman talaga ako! Kasi gusto kong magbigay ng magandang performance, roon nanggagaling ‘yung pressure.”
Handa rin siya sa pressure ng ratings?
“Ah… oo. Inano ko na rin ‘yung sarili ko, parang psinyche (psyche) ko na rin ‘yung sarili ko.”
Bago si Derek ay perennial leading man ni Andrea si Mikael Daez. Nagkasama sila sa My Beloved (2012), Sana Ay Ikaw Na Nga (2012), With a Smile (2013), Ang Lihim Ni Annasandra (2014), at My Faithful Husband (2015).
Ano ang kaibahan ng shows na pinagtambalan nila rati ni Mikael sa tambalan nila ngayon ni Derek?
“Ito yata ‘yung pinakaseksing tema.
“’Yung package naming dalawa, talagang ang dami naming nagawa na risky, na medyo out of my comfort zone, or first time kong nagawa.
“So ang taas din ng level ng trust ko sa kanya (Derek) kasi nga marami akong firsts din na nagawa with him sa soap na ito.”
Hind kaya sila “mapansin” ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) dahil sa mga sexy and daring scenes?
“Nakalusot naman po,”at tumawa si Andrea. “Nakalusot naman.”
Sa sampung taong pamamalagi ni Andrea sa GMA, paano niya ilalarawan ang sarili?
“Compared before? Now, mas secure sa sarili.
“Ano pa ba?
“Ano pa rin ako eh, siguro ano… mas secure ako sa sarili, ang hindi naman kinaibahan is naroon pa rin ‘yung pagiging considerate mo sa ibang tao.”
Sa serye ay dual role ang gagampanan ni Andrea bilang kambal na sina Jasmine de Villa (happy and contended wife ng isang mayamang resort owner na si Andrew de Villa played by Derek) at Juliet Santos-de Villa a.k.a Elaine Reyes na isang exotic pole dancer.
Nag-aral talaga ng pole dancing si Andrea.
“Mahirap pala talaga siya! Alam kong mahirap siya pero noong na-try ko parang naging iba ‘yung respeto ko sa mga nagpo-pole dance kasi ang sakit pala talaga!”
Ang pole dance instructor na tulad din ni Ciara Sotto na nagngangalang Chino ang nagturo kay Andrea.
Masakit talaga sa hita at binti ang mag-pole dance.
“Sabi ko kasi, ‘Paano ko mame-make sure na hindi ako malalaglag ‘pag bumitaw ako?’
“Pag masakit na raw, ibig sabihin, safe na. So talagang magbu-bruse ka talaga. May pictures nga ako sa phone, super-dami kong pasa.
“As in batik-batik talaga!”
Patuloy pang kuwento ni Andrea, Nakatutuwa kasi siya, very fulfilling pag, ‘Ay, hindi ako nalaglag!’
“Or pag medyo naiangat mo ‘yung sarili mo.”
Three sessions na one hour each session ang ginawa ni Andrea para sa serye.
Mahusay na ba siyang pole dancer?
“Hindi ko naman masasabing mahusay kasi nahihirapan pa rin ako, eh.
“Pero happy po ako kasi at least ‘yung mapapanood nila, ako talaga, kumbaga nag-training ako talaga.”
Itutuloy ba niya ang pole dancing lessons?
“Iniiisip ko nga po, eh.
“Siguro, actually okay siya, natatakot lang ako roon sa mga pasa.
“Lalo na puro beach (ang eksena), ang hirap niyang takpan (ng make-up).
“Pero feeling ko babalikan ko siya.”
Rated R
ni Rommel Gonzales