UMABOT 105 illegal aliens ang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) noong June 27, 2019, sa raid na isinagawa sa isang Business Process Outsourcing (BPO) company sa Biñan, Laguna.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nasakote ng BI Intelligence Division operatives ang mga banyaga at naaktohang nagtatrabaho nang walang kaukulang working permits.
Sa mga dinakip, 84 ay kalalakihan at ang 21 naman ay pawang mga babae at may nadamay na isang menor de edad.
Ang raid ay isinagawa matapos makatanggap ng kabi-kabilang reklamo ang ahensiya mula sa komunidad kung saan isinasagawa ang operasyon ng illegal aliens.
Sa huling tala na nakalap sa Bureau, lumalabas na 97 ay Chinese nationals, apat na Indonesians, tatlong Malaysians, t isang Vietnamese, at ang natitirang isa pa ay Laotian national.
Pawang mga turista at walang maipakitang legal na dokumento ang mga nahuling banyaga at lahat sila ay dinala sa BI holding facility sa Bicutan, Taguig habang dinidinig ang mga kasong isinampa laban sa kanila.
Nagpahayag ng pagkadesmaya si Commissioner Jaime Morente nang malaman na ang isang malaking kompanya na gaya ng Smartwin Technology, ay nagawang makapag-operate nang walang legal na dokumento para sa kanilang mga empleyado.
”Cases like this show that some foreign nationals think that they could just get away with illegal activities in the country,” desmayadong pahayag ni Morente.
Nagbabala ang pinuno ng ahensiya na sinomang mahuli na lumalabag sa ating batas ay magkakaroon ng sapat na kaparusahan kasama rito ang pagkakulong at agarang deportasyon.
Pinaalalahanan din niya ang madla na agad ipagbigay-alam sa kinauukulan kung mayron man silang makitang ilegal na gawain at kahina-hinalang kilos ng foreigners na magdudulot ng delikadong katayuan sa seguridad ng kanilang lugar.
Anomang oras ay handa ang Bureau of Immigration na aksiyonan ang mga sumbong ng bawat komunidad.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap