PANGUNGUNAHAN ng batikang broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas ang espesyal na edisyon ng ikatlong Entertainment Editors’ Choice o The EDDYS na gaganapin sa July 14, Linggo, 7:00 p.m., sa New Frontier Theater.
Katuwang ang Film Development Council of the Philippines (FDCP), sa pamumuno ni Chairperson Liza Dino, gugunitain ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang makulay na buhay at karera ng yumaong EDDYS Icon awardee at 2019 best actor nominee (Rainbow’s Sunset) na si Eddie “Manoy” Garcia.
Maglalaban-laban at tatanghalin din sa gabing iyon ang mga tinaguriang “best of the best” ng taong 2018.
Magsasalpukan sa kategoryang Best Picture ang Goyo, Rainbow’s Sunset, Citizen Jake, Liway, at Signal Rock.
Sina Kathryn Bernardo (The Hows of Us), Sarah Geronimo (Miss Granny), Nadine Lustre (Never Not Love You), Glaiza de Castro(Liway), Judy Ann Santos (Dalawang Mrs. Reyes), Angelica Panganiban (Exes Baggage), at Gloria Romero (Rainbow’s Sunset) naman ang magbabakbakan para sa Best Actress.
Best Actor nominees sina Dingdong Dantes (Sid & Aya: Not A Love Story), Paolo Contis (Through Night and Day), Christian Bables(Signal Rock), Piolo Pascual (Ang Panahon ng Halimaw), Daniel Padilla (The Hows of Us), Carlo Aquino (Exes Baggage), at Eddie Garcia (Rainbow’s Sunset).
At sa pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-100 taon ng pelikulang Pilipino, kikilalanin sa EDDYS Parangal sa Sandaan ang “unsung heroes” at mga alagad ng sining na nag-alay ng ‘di matatawarang oras, lakas, at talento sa industriyang minahal sa loob ng mahabang panahon.
Ang TV host-journalist na si Lourd de Veyra ang tatayong anchor ng EDDYS Parangal sa Sandaan.
Kabilang sa honorees ang mga beteranong sina Tommy Abuel, Pepito Rodriguez, Perla Bautista, Lorli Villanueva, Robert Arevalo, Odette Khan, at Tony Mabesa.
Pararangalan din ang 2019 EDDYS ICON na sina Amalia Fuentes, Vilma Santos, Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Joseph Ejercito Estrada, Eddie Gutierrez, Dante Rivero, Celia Rodriguez, Anita Linda, at Lorna Tolentino.
Anim pang special awards ang ipamimigay ng SPEEd sa 3rd EDDYS: Ang Joe Quirino Award (Cristy Fermin), Manny Pichel Award(Ethel Ramos), Producer of the Year (Star Cinema), Rising Producers’ Circle (Spring Films at T-Rex Entertainment), Lifetime Achievement Award (Elwood Perez), at Posthumous Award para sa yumaong hari ng komedya na si Dolphy.
Ang stellar performances ay pangungunahan ng pop diva na si Kuh Ledesma kasama sina Ice Seguerra, Aicelle Santos, Gerald Santos, Rayver Cruz, Lara Maigue, Bituin Escalante, Rita Daniela, Hashtag Rayt, Jem & Andrea, Sean Oliver, BOU, RJ dela Fuente, Acapellago at Raket Manila Dancers.
Red carpet hosts ang Kapuso artists na sina Juancho Trivino at Arra San Agustin.
Ang 2019 EDDYS ay ipinrodyus ng Echo Jham Entertainment Productions at ididrehe ni Calvin Neria.
Ito ay presented ng Cignal TV at mapapanood sa Colours (Channel 60 SD at Channel 202 HD) sa July 21, 9:00 p.m..
Para sa mga interesadong manood ng live sa 3rd EDDYS awards night, maaari kayong makakuha ng libreng tickets, dalawa kada tao, sa New Frontier Theater box office simula sa July 9, bukas; July 10; at July 12, 1:00-5:00 p.m., on a first come, first served basis.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio