HAPPY ang versatile na comedienne na si Kitkat sa mga dumarating na projects sa kanya. Bukod sa aabangang teleserye sa ABS CBN, sa ngayon ay abala siya sa TV guestings.
Officially ay member na rin si Kitkat ng BeauteDerm family na pag-aari ng masipag na CEO at President nitong si Ms. Rhea Tan. Ang partikular na ine-endorse niyang product ay Slender Sips coffee and juice.
Si Kitkat ay kilala bilang theater actress, singer, at komedyana. Pero ayon sa kanya, pinakamahirap sa lahat ay ang pagko-comedy.
“Magpatawa ang pinakamahirap, kasi may mga performance ka na iba-iba ang audience mo. Na maaaring matawa iyong iba, pero iyong iba ay hindi. Kapag mayroon akong sinabi, puwedeng siya ay matawa, tapos itong isa ay hindi, e. Iyong theater pina-practice mo iyan, makakabisado mo iyan, iyong singing buong buhay kong ginagawa iyan, kaya parang mani-mani na lang. Pero iyong comedy, pinakamahirap talaga sa lahat dahil hindi mo alam talaga ang reaction ng mga audience mo, e,” saad ni Kitkat.
Nabanggit din niyang isa pa sa nata-challenge siya nang husto ay kapag gumaganap na kontrabida.
“Actually, tuwing nagteteleseye ako ay drama, gustong-gusto ko iyong nagdadrama ako. Masarap sa pakiramdam para hindi nila iniiisip na. ‘Puro pa-cute naman iyang si Kitkat, puro patawa lang iyang si Kitkat.’
“Gusto ko kasing ipakita na aktres po ako… at gusto kong maging kontrabida dahil mas nata-challenge kasi ako. Like nang nag-Ipaglaban Mo ako, lahat ng mga OFW nagalit sa akin, kasi OFW ‘yung kuwento. Ilang take ‘yung sampal ko kay Yen Santos, dahil ilang shots, ilang angle… si Yen Santos, bugbog talaga sa akin, e. Kasi, sumakit din ‘yung kamay ko kaya alam kong masakit din talaga ‘yung sampal ko sa kanya.
“Talagang inaway din ako ng mga tao na kapag nakita ako, tatampalin ako. Kaya nasabi kong, ‘Ay ang galing ko umarte roon, ah.’ Kumbaga effective, pero role lang po ‘yun,” nakangiting diin ni Kitkat.
Sa mga young actors naman, between James Reid, Enrique Gil, at Daniel Padilla, sino ang gusto niyang makahalikan sa isang project? “Si Enrique kasi ‘tsaka si James parang may ano e, ‘yung tingin na sexy ba, ‘yung ganoon. Hindi ko masabi ‘yung word e, may-L! Alam mo ‘yung nakatingin pa lang sa ‘yo, may-L na, iyong alam mo na, may iba kang mararamdaman?
“Si Daniel kasi parang kapatid ko talaga iyan, e. Parang walang malisya siya na, ‘O sige, kissing scene, walang malisya to ‘tol!’” Nakangiting sambit ni Kitkat.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio