PINAKA-ICONIC para kay Dimples Romana ang mga naglalabasang meme ng eksena sa Kadenang Ginto na nakasuot siya ng pulang damit at may hila-hilang pulang maleta.
Ani Dimple, ”Iyon na ang pinaka-iconic na character na nagawa ko kasi umabot na kung saan-saan at saka paggising mo good vibes lang. Ganoon naman gusto natin, ‘yung natatawanan natin ang isa’t isa, walang napipikon, masaya lang,” sabi ni Dimple na nakagawa na rin ng iba’t ibang klaseng role na tumatak naman talaga sa viewers. Ilan ditto ang pagiging si Krizzy ng One More Chance/Second Chance, si Amanda ng The Greatest Love, at ang Babaylan sa Bagani.
Ikinatuwa rin ni Dimples ang pagkukusa ng netizen sa paggawa ng mga meme.
Anang magaling na aktres, ”That’s what I love talaga. Ang hirap kayang mag-edit ng picture. Ibig sabihin ‘pag nag-eedit sila, nagbibigay sila ng oras, panahon.
“Biruin mo may mga lugar sa Pilipinas na napuntahan ng meme ko na hindi ko alam.”
At dahil sa mga meme na ito, tila mascot na ang pakiramdam niya sa sarili. ”’Yung habang naglalakad ako hinahanapan nila ako ng maleta! Naglalakad ako ng ABS kailangan may maleta!” sambit pa ni Dimples.
Sa kabilang banda, hiniling ni Dimples na pakatutukan pa ang kanilang Kadenang Ginto na mas iinit pa ang mga eksena sa pagpasok nila sa Book 3 gayundin sa pagpasok ng bagong karakter, si Leon na gagampanan ni Richard Yap.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio