USAP-USAPAN sa Kamara ang pagiging matigas ng ulo ni Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon sa ilang mga kongresista, kung hindi matigas ang ulo ni Velasco at sa pagsuway niya sa panukala ni President Rodrigo Duterte ay hindi sana nagkakainitan ang mga kongresista sa karera para maging House Speaker.
Ito ay matapos tanggapin ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang panukala ni Presidente Duterte sa term-sharing sa kanila ni Velasco upang maresolba ang Speakership issue, pero tinanggihan ng congressman mula sa Marinduque.
Iginiit ni Velasco na dapat iisang tao lamang ang hahawak sa pinakamataas na puwesto sa House of Representatives — at ito ay walang iba kundi siya—Velasco.
Hindi pumayag si Velasco sa panukala kahit mula kay President Duterte, na nagbigay ng ultimatum sa Cabinet meeting noong 1 Hulyo at sinabi na tanggapin ni Velasco ang term sharing deal kay Cayetano o kalimutan ang pangarap niyang maging Speaker.
Dapat maintindihan ni Velasco na ang power-sharing agreement ay mas makabubuti sa kanya dahil lumalabas na wala siyang experience at hindi kalipikado sa lahat ng nagnanais na maging Speaker.
Kahit na si Velasco ay nagsilbi ng dalawang termino bilang congressman, lumalabas na naupo siya bilang kongresista sa isang termino lamang matapos maluklok siya sa huling araw ng session sa Congress noong 2013, dahil napalitan niya si Regina Ongsiako Reyes sa kanilang laban sa Marinduque noong 2010 polls.
Si Velasco ay naging chair ng House energy panel sa 17th Congress, sa kasamaang palad ay walang naipasang malaking batas kahit na isa.
Halata rin ang katotohanan na wala man lang naiambag o naitulong si Velasco sa Duterte administration.
Magugunita na si Velasco ay nagbigay ng suporta kay Grace Poe noong 2016. At noong May 13 polls, si Grace Poe rin ang nanguna sa senatorial race sa Marinduque. Si Bong Go at ibang kandidato ni President Duterte ay halos matalo sa kanyang balwarte.
Hindi rin naipagtanggol ni Velasco ang Duterte administration sa mga kritiko at hindi rin siya nanindigan para sa adbokasiya ng pangulo.
Marapat na tanggapin na ni Velasco ang term sharing at ‘wag na siyang umasal na parang spoiled brat.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap