TIYAK na matutuwa si Richard Gomez at iba pang artistang mahilig sa pagtatanim o ‘yung mga may pataniman dahil sa mga produktong naimbento ng BioSolutions International Corporation para maparami ang mga produktong agrikultura at masugpo ang mga pesteng naninira nito.
Sa pakikipag-usap namin sa mga taga-BioSolutions na sina Ryan Joseph V. Zamora, CEO at anak ng may-aring si Mr. Rodolfo ‘Jun’ Zamora; Jorge Penaflorida, Sales Manager for Agri; at Emmanuel Piadozo, Technical Support System, Nueva Ecija (branch), sinabi nilang 2006 nila sinimulan ang kanilang kompanya na ang concentration pa lang ay sa Aqua Division. Ang ibig sabihin, ito ang mga requirement sa mga seafood tulad ng hipon, tilapia, bangus o food supplement o pag-establish ng fishpond.
“Si Mr. Rodolfo ‘Jun’ Zamora, may-ari ng Expectrum Group of companies ay nakaisip na kailangang mag-expand dahil medyo masikip na ang market ng aqua. Nag-expand siya na dapat kakaiba siya. Ayaw niya niyong ‘me too’ products. At naisip niya na dapat related sa aqua, iyon ngang agriculture.
“May nag-suggest sa kanya iyong panlaban sa kuhol. Parang nagkaroon ng epidemic sa kuhol, iyong Schistosomiasis somewhere in Samar. Ang cost ng bacteria o breeding ground ay ‘yung kuhol. So kailangang mapigilan ang pagdami nito o mabawasan ang Schistosomiasis,” paliwanag ni Mr. Penaflorida.
Kaya naman sa pag-aaral na ginawa nila, nakakuha sila ng mga sangkap na makapupuksa sa kuhol in natural means, ito ay ang saponin mula sa tabako at camellia seed. Kaya taong 2009, nabuo ang Astig Kuhol Terminator na non toxic at non-polluting.
Dinala nila ito sa mga magsasaka sa pamamagitan ni Mr. Piadozo tulad ng mga taga-Nueva Ecija, Compostela Valley, Iloilo, Palawan, Isabela at iba pa at iisa ang nadiskubre ng mga ito. Dahil sa Astig Kuhol Terminator, tumaas ang ani nila.
Ani Ramon Moreno Jr, ng Compostela Valley, “Umaano lang ako ng 160 kaban, pero dahil sa Astig Kuhol Terminator, nakakakuha na ako ngayon ng ani na hanggang 207.”
Ang isa pang nakatulong sa pagpaparami ng ani ay ang Agrimin. Ito naman ang ibinubudbod sa mga lupang mataas ang acidity.
Ayon kay Mr. Penaflorida, tumataas ang acidity ng lupa kapag sunod-sunod na tinatamnam ang lupain. Kaya ang resulta, hindi magandang paglaki o pagtubo ng mga tanim. Kaya ito siguro ang tamang ipakilala nila kay Goma dahil gustong paunlarin ni Mayor/actor ang taniman ng kanilang pinya gayundin ng iba pang produkto ng agrikultura.
Sa paggamit kasi ng Agrimin, tinutulungan nitong ma-enhance ang availability ng nutrients tungo sa pag-substrate ng lupa na may very high organic matter at high potential acidity. Nae-enhance rin nito ang activities ng beneficial organism ng lupa, nakatutulong sa pag-stabilize ng soil pH, nagpo-provide ng trace minerals essential para sa wellness ng crop at marami pang iba. Kaya naman sa paglalagay nitong Agrimin bago magtanim, tiyak ang paglaki ng kita at pagdami ng ani. Maging ito’y mais, palay, melon, o sibuyas. Kaya naman puwede rin itong subukan ni Mayor Goma para sa kanyang pinyahan.
At ang pinakahuling produkto ay ang Biohumic Growth Enhancer. Ito a ng pinakagusto ko sa tatlong produkto dahil siguro hindi naman ako magtatanim sa isang bukirin, tamang-tama ito sa aking mga halamanan. Bakit ‘ika n’yo? Dahil puwedeng-puwede itong ihalo sa pagdidilig ko ng mga ornamental sa bahay. Aba maganda nga rin ito sa organic at horticultural crops tulad ng mais, rice, sugar cane, vegetables, fruits, trees at iba pa.
Aba naman, ihahalo mo lang sa tubig, at ‘yun na ididilig na sa mga tanim mo. O di ba naman ang dali-dali.
Pagkatapos naming makipag-usap sa mga taga-Biosolutions, nasabi naming sana’y maging matagumpay sila sa pagpapakilala ng kanilang mga produkto dahil hangad nila ang makatulong sa mga magsasaka. Hindi nga nila muna naisip kumuha ng endorser na artista ng kanilang produkto dahil ang una muna nilang hangarin ay makarating ito sa mga magsasaka.
At nasabi naming puwede naman nilang maging katulong ang mga artistang mahihilig sa pagtatanim lalo na iyong may mga puso sa mga magsasaka tulad nga ni Goma, gayundin ni Robin Padilla at iba pang may mga malalawak na lupain na nagnanais magparami ng kani-kanilang produktong nakatanim sa malawak na lupain.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio