GUSTO natin ang ipinakikitang humility ni mayor-elect Isko Moreno sa pamamagitan ng pagre-reach-out sa mga pangunahing personalidad at institusyon na nakabase sa Maynila upang makatulong niya sa paglilinis at pagsasaayos ng lungsod.
Ibinubukas din niya ang kanyang baraha sa pamamagitan ng paghahayag ng kanyang mga plano at nais gawin sa Maynila sa nalalapit na pag-upo niya sa 1 Hulyo 2019 — ang unang flag raising ceremony niya bilang bagong alkalde ng Maynila.
Ang ganitong kaisipan at ugali ay masasabi nating magandang katangian ng isang lider. Nangangahulugan kasi ito ng paghingi ng mandato sa mga mamamayan na nais niyang paglingkuran.
Kung hindi magbabago ang ipinapakitang humildad ni incoming-mayor Isko, masasabi nating malayo na nga ang narating ng “Batang Maynila.”
Isa lang ang gusto nating imungkahi o ipakonsidera kay Mayor Isko sa pagkakataong ito. Kung nais ni Mayor Isko na linisin ang Maynila, kailangan niya itong umpisahan sa kanyang “bahay.”
Ibig po nating sabihin simulan niya ang paglilinis sa Manila City Hall.
Sa pisikal na anyo, unahin niya ang elevator. Sa kasalukuyan kasi ay masyadong maliit ang bilang ng nakasasakay sa elevator kompara sa konsumo nito sa oras at koryente kapag nag-aakyat at nagbababa ng pasahero.
Ang pinakamaayos na elevator lang yata sa city hall ay ‘yung sa gawi ng Mayor’s Office.
Hirap na hirap ang mga senior citizen at persons with disability kapag may transaksiyon sila sa City Hall kasi laging sira ang ibang elevator at halos isa na lang ang gumagana.
Ikalawa, ang umaalingasaw na comfort rooms. Paano pa natin tatawaging comfort room ‘yan kung nakasusuka ang umaalingasaw na bantot.
(Excuse me po!)
Hindi lang mabaho kundi talagang nanggigitata kaya umaangal ang taxpayers kasi kapag may transaksiyon sila kailangan pa nilang pumunta sa mall para roon gumamit ng comfort room.
Ikatlo at isa sa mga pinaka-importante, linisin at tanggalin ang mga ‘anay’ sa Bureau of Permits and Licensing Office (BPLO) na wala yatang ginawa kundi pahirapan ang mga kumukuha ng permit at lisensiya sa pagnenegosyo.
Kung sa ibang lungsod ay usong-uso ang one-stop-shop office, sa BPLO ng Maynila pinaghiwalay pa ang kanilang tanggapan.
Hiwalay ang lisensiya at hiwalay ang permit! Kaya lalong namumunini ang red tape ng mga fixer.
Ikaapat, ang grabeng korupsiyon sa Manila Traffic and parking Bureau (MTPB).
Sa kasalukuyan, maraming motorista ang natutuwa dahil lumuwag na ang kalsada sa C.M. Recto sa Divisoria na halos anim na taon nilang hindi nadaanan.
At higit sa lahat, sana’y higit na maging matalas ang intelligence ni Mayor Isko at maging maingat sa mga itatalaga niya sa iba’t ibang tanggapan na nasa ilalim ng kanyang tanggapan na mahilig magpa-smart-smart.
Ilang unsolicited advice lang po ‘yan mayor-elect Isko pero tingin natin ay makatutulong nang malaki sa layunin mong higit na pagandahin, linisin at ayusin ang Maynila.
Kung hindi magbabago ang iyong magandang layunin sa paglilingkod at pamumuno sa Maynila, isa lang ang masasabi natin — ISKOREK ka riyan, Mayor!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap