NAPILI na ang Top 12 Idol Hopefuls ng Search for the Idol Philippines kaya mas titindi pa ang tagisan ng galing para sa pag-abot ng kanilang pangarap.
Ang 12 ay napili pagkatapos ng tapatan sa Solo Round at mas magiging mahirap na ang labanan nila sa live rounds dahil may kapangyarihan na ang publiko na iboto ang kanilang pambato. Linggo-linggo, ang Idol hopeful na may pinakamababang boto ang matatanggal at hindi na magpapatuloy sa kanyang Idol journey.
Pasok sa listahan ng Top 12 sina Dan Ombao na muling lumalaban para sa kanyang pangarap, pati na rin si Elle Ocampo, na nakilala sa naiibang boses at style. Patuloy ding patutunayan ni Fatima Louise na karapat-dapat siyang manalo sa kompetisyon gamit ang talento, samantalang dala-dala naman ni Lance Busa ang karanasan bilang singer abroad para makipagsabayan sa mga katapat.
Magpapatuloy din sa laban sina Lucas Garcia at Matty Juniosa na parehong iniaalay ang laban para sa kani-kanilang butihing ina. Kasama rin nila sa listahan si Miguel Odron, na nakipagsapalaran nang bumalik sa Pilipinas para sa kanyang pangarap, at ang youth ambassadress na si Rachel May Libres na bukod sa angking ganda ay may nakabibilib ding talento sa pag-awit.
May pwesto rin sa Top 12 sina Renwick Benito na isa sa mga unang nagmarka sa mga manonood dahil sa kanyang kuwento at boses, si Sheland Faelnar na hinahangaan dahil sa agaw-pansing boses, si Trish Bonilla na gaya ng ina ay may hindi matatawarang talento sa pagkanta, at Zephanie Dimaranan na kahit isa sa mga pinakabata ay walang takot na nakikipagsabayan sa kantahan.
At ngayong lingo sa kanilang live round, magme-mentor sa kanila ang National Artist na si Ryan Cayabyab. Ibig sabihin, mga awitin ni Mr C. ang kanilang aawitin.
Linggo-linggo ay magkakaroon ng mentor ang Top 12 kaya naman natanong ang mga ito kung sino-sino ang nais nilang mag-mentor sakaling papiliin sila.
Dalawa sa Top 12 ang pumili kay KZ Tandingan tulad nina Fatimam Sheland, at Trish. Ani Fatima, dream niya si KZ dahil idol na niya ito simula nang kantahin nito ang Somewhere Over the Rainbow. “And I really like her style, sobrang unique rin po kaya idol ko po siya.”
“Aside from KZ, gusto ko rin siyang maging mentor at pangarap na ma-meet,” sabi ni Sheland. “Gusto ko rin si Yeng Constantino kasi isa siya sa nag-influence sa akin sa pagkanta at gustong-gusto ko ang pagkanta niya at the way na mag-perform siya on stage.”
Dream mentor naman ni Elle si Bambo. “’Yung energy niya kapag nagpe-perform and the way he write songs super idol ko siya and I hope someday ma-mentor niya rin ako at siya ang nakikita kong example on where I want to be in the future.
Si Zephanie naman ay si Sarah Geronimo na siya ring mentor niya sa The Voice. “Medyo nami-miss ko ‘yung times na tinuturuan niya ako. Gusto ko rin maging katulad niya na very simple kapag wala sa stage, very humble, pero kapag nasa stage na parang monster na. ‘Ganoon po ang gusto ko.”
Si Trish ay si KZ din ang gusto dahil, “super fan po ako niya. Gustong gusto ko ang style niya and the way she looks. Idol na idol ko rin po siya.”
Nakikita naman ni Rachel ang sarili niya kay Sarah na napaka-humble. Gusto rin niyang maging katulad ng aktres/singer.
Si Renwick ay wish niyang maging mentor sina KZ at Bamboo, sina Lucas, Lance, at Matty naman ay sina Regine Velasquez-Alcasid at Vice Ganda samantalang si Dan ay ang Agsunta at Ben & Ben.
Ang kamukha naman ni James Reid na si Miguel ay si Moira ang gustong mag-mentor sa kanya. “She’s just amazing song writer and I’m inspired by her,” anang binata.
Sa kabilang banda, hindi naman nakikitang advantage para kay Miguel ang maging kamukha ni James. Aminado rin siyang nagulat dahil, “hindi ko nakikita sa sarili ko (kamukha ni James) and I never like look myself in that way. Hindi ko masasagot ang tanong na iyon and I don’t know what and how people see me. All I know is I need to show up and sing well and authentically.”
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio