NAGPAHAYAG ng pakikiisa at pagbati si incoming Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pagdiriwang ng ika-448 anibersaryo ng pagkakatatag ng kapitolyo ng bansang Filipinas, ang Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Domagoso, alalahanin natin ang mga hamon na buong tapang na hinarap at napagtagumpayan ng mga nakaraang henerasyon ng mga Manileño.
Pinangunahan ni Manila City Administrator Atty. Ericson JoJo Alcovendas, City of Manila Tourism Atty. Solfia Arboladura at iba pang city head officials ng Maynila ang pag-aalay ng bulaklak sa puntod ni Governador Miguel Lopez De Legaspi, conquistador mula sa bansang Espanya na nagsimula ng kalakalan at ng pagsakop sa Maynila noong 1572, na nakalagak sa loob ng simbahan ng San Agustin sa Intramuros ang labi.
Sinabi ni Isko, hindi man naging madali ang bawat pagsubok ng panahon ngunit patuloy pa rin ang mga Manileño sa kanilang pagsusumikap at paglaban para sa magandang kinabukasan ng salinlahi.
Aniya, itinuring din bilang hudyat ng bagong pag-asa tungo sa pagkakamit ng mga pangarap ang bawat pagsikat ng araw, ang mga taon na nagdaan, at ang bawat panibagong simula.
Dagdag ni Isko, “sa kabila ng mga panibagong hamon, mahalaga na magkaisa tayo tungo sa tuloy-tuloy na pag-asenso ng bawat Manileño.’