MASAYA si Bulacan Governor Daniel Fernando, dahil sa kabila ng kaabalahan niya sa politika, na dahilan din kaya nalilimitahan ang paggawa niya ng pelikula at teleserye, hindi pa rin siya nalilimutan ng mga manunulat sa showbiz.
Katunayan, siya ang nanalong Darling of the Press sa katatapos na 35th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club.
Sa pag-alaala ni Gov. Daniel, noong magsimula siyang mag-artista ay aware na siya sa mahalagang nagagawa ng mga entertainment writer sa mga artistang katulad niya. Kaya para sa kanya, hindi rin naging mahirap na pakisamahan ang mga beterano at mga baguhang manunulat na nakakasalamuha niya noon hanggang ngayon sa showbiz.
“Iyon talaga ang para sa akin. Na kapag sinabing press people, mataas ang respeto ko sa kanila dahil sa pagsuporta nila sa aming mga artista na nagagawa ng mga isinusulat nila tungkol sa amin kapag mayroon kaming mga pelikula o balitang kailangan para kami ay makilala. Malaking tulong ang mga balita nila para sa mga baguhang artista halimbawa, ‘tulad ng naranasan ko noong nagsisimula pa ang movie career ko. Masaya ako na marami akong naging kaibigan sa kanila na hanggang ngayon ay nariyan pa rin at sumusuporta sa akin,” wika pa ng mahusay na aktor. (Melchor Bautista)