ISA tayo sa mga bumilib nang ipakita ni mayor-elect Isko Moreno ang kaniyang kababaang-loob at siyang gumawa ng unang hakbang para makipag-usap sa mga nakatunggali nitong nakaraang halalan na sina dating mayor Alfredo Lim at outgoing mayor Erap Estrada.
Unang kinausap ni Mayor Isko si Mayor Lim at hiningi ang tulong para sa peace and order ng lungsod.
Sumunod naman ay nagkortesiya siya sa nakaupo pang alkalde na si Mayor Erap.
Walang hindi humanga sa ginawa ni Isko. Ito nga naman ay simbolo ng isang tamang simula para tugaygayin ang tumpak na direksiyon bilang bagong ama ng Maynila.
Hindi dapat pagdudahan ang siniseridad na ipinakikita ni Mayor Isko, dahil kahit sinong malagay sa kanyang posisyon ay wala nang ibang iisipin pa kundi ang magkaroon ng isang ‘legendary political career’ sa isa sa mga primerong lungsod ng bansa.
Aanhin nga naman ni Mayor Isko ang maraming kuwarta kung pagbaba naman niya sa posisyon ay minumura siya ng kanyang mga kababayan?!
Hindi ba’t matagal na niyang layunin na maging tampok ang mga tunay na “Batang Maynila.”
Alam nating ilang panahon din na nadiskaril ang kanyang karera sa politika dahil sa mga maling desisyon. Pero sabi nga, saan ba natututo ang bawat isa sa atin kundi sa pagkakamali. Ang mahalaga lang ay laging bukas sa pagwawasto at pagbabago.
Sa ngayon, wala tayong masasabi kay Mayor Isko kundi ang humiling para sa kanya na patnubayan siya ng Dakilang Manlilikha nang sa gayon ay magpatuloy siya pagtugpa sa tamang direksiyon bilang “Bagong Ama” ng Maynila.
Ilayon rin sana si Mayor Isko sa mga tao at elementong may masasamang intensiyon at nais gamitin ang pagiging malapit sa kanya para sa pansariling interes.
Sabi nga, wala sa gubat ang ahas…
Ingat lagi, Mayor Isko!
And once again, congratulations!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap