ISA tayo sa mga bumilib nang ipakita ni mayor-elect Isko Moreno ang kaniyang kababaang-loob at siyang gumawa ng unang hakbang para makipag-usap sa mga nakatunggali nitong nakaraang halalan na sina dating mayor Alfredo Lim at outgoing mayor Erap Estrada.
Unang kinausap ni Mayor Isko si Mayor Lim at hiningi ang tulong para sa peace and order ng lungsod.
Sumunod naman ay nagkortesiya siya sa nakaupo pang alkalde na si Mayor Erap.
Walang hindi humanga sa ginawa ni Isko. Ito nga naman ay simbolo ng isang tamang simula para tugaygayin ang tumpak na direksiyon bilang bagong ama ng Maynila.
Hindi dapat pagdudahan ang siniseridad na ipinakikita ni Mayor Isko, dahil kahit sinong malagay sa kanyang posisyon ay wala nang ibang iisipin pa kundi ang magkaroon ng isang ‘legendary political career’ sa isa sa mga primerong lungsod ng bansa.
Aanhin nga naman ni Mayor Isko ang maraming kuwarta kung pagbaba naman niya sa posisyon ay minumura siya ng kanyang mga kababayan?!
Hindi ba’t matagal na niyang layunin na maging tampok ang mga tunay na “Batang Maynila.”
Alam nating ilang panahon din na nadiskaril ang kanyang karera sa politika dahil sa mga maling desisyon. Pero sabi nga, saan ba natututo ang bawat isa sa atin kundi sa pagkakamali. Ang mahalaga lang ay laging bukas sa pagwawasto at pagbabago.
Sa ngayon, wala tayong masasabi kay Mayor Isko kundi ang humiling para sa kanya na patnubayan siya ng Dakilang Manlilikha nang sa gayon ay magpatuloy siya pagtugpa sa tamang direksiyon bilang “Bagong Ama” ng Maynila.
Ilayon rin sana si Mayor Isko sa mga tao at elementong may masasamang intensiyon at nais gamitin ang pagiging malapit sa kanya para sa pansariling interes.
Sabi nga, wala sa gubat ang ahas…
Ingat lagi, Mayor Isko!
And once again, congratulations!
Sa Speakership race
BETERANONG SOLON
HINDI OJT
PARA SA KAMARA
— DEFENSOR
KOMPORME tayo sa sinasabing ‘yan ni Anakalusugan representative-elect Mike Defensor na hindi isang on the job training (OJT) ang pagiging House Speaker.
Sa simula pa lang dapat ay taglay ng kumakandidatong Speaker ang katangian ng isang magaling na lider, pangunahin ang may sapat na experience at competence.
“The next Speaker should carry the needed legislative reforms of President Rodrigo Duterte from day one and that there is no room for an on-the-job training (OJT). The next Speaker should be Speaker from day one. He should know what to do the very minute he sits as the country’s fourth highest official of the land,” sabi ni Defensor.
Kumbaga, may “K” si Defensor na sabihin ito bilang dating chief of staff noong Arroyo administration.
Kaya klaro na wala kay Rep. Lord Allan Velasco ang katangian para maging House Speaker na ngayon ay iniuugnay sa suhulan sa kongreso para sa speakership na umano ay pinopondohan ng isang business tycoon.
Arayku!
So young and yet so… (?) kayo na ang bahalang magdugtong.
Kay nga kung si Defensor ang tatanungin, sina Leyte Rep. Martin Romualdez at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang angat para maging susunod na House Speaker.
“They both have the leadership depth and the capacity to navigate the House in terms of needed legislation. They have the experience, competence and caliber to lead the members of the House,” klarong pahayag ni Defensor.
Ayon naman sa political analyst, kahinaang maituturing na hindi kilala si Velasco sa loob at labas ng House of Representatives at lalong hindi napansin ang kanyang partisipasyon o hindi nanguna kahit kailan sa mga diskusyon sa ilang mahahalagang isyu ng bansa.
Una nang sinabi ni UP Professor Ranjit Rye, krusyal sa Duterte administration ang nalalabing 3-taon termino kaya makatutulong nang malaki kung ang mahihirang na House Speaker ay sanggang-dikit ni Pangulong Duterte na mayroon nang magandang working relationship sa Pangulo at umpisa pa lamang ay alam na ang hangad at prayoridad na legislative measures.
Aprub tayo riyan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap