KINAKARIR nina Paolo Ballesteros, Christian Bables, at Martin del Rosario ang kanilang role sa pinagbibidahan nilang pelikulang The Panti Sisters na idinirehe ni Jun Robles Lana at ipinrodyus ng The IdeaFirst Company, Black Sheep, at ALV Films. Ang pelikulang ito ay official entry sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamumuno ni Chairperson Liza Dino Seguerra.
Ito ang ibinalita sa amin ni Direk Perci Intalan, tumatayong executive producer para sa The IdeaFirst Company, nang kumustahin namin ang shooting ng The Panti Sisters na nagsimula na kamakailan.
“’Yung first two days ng ‘The Panti Sisters,’ ang saya! At ang bobongga ng mga eksena. Nakatutuwa kasi kita mong nangangarir ang lahat, pati cast. Si Christian namili ng wardrobe niya. Si Paolo matagal nang pinraktis ‘yung make up niya para nga iba ang look niya rito kaysa ibang films. Si Martin naman nagpapayat nang todo mula noong nalaman niya ‘yung project. Nakatutuwa kasi invested silang lahat sa pelikula,” sabi ni Direk Perci sa amin.
Isang behind-the-scene (BTS) photo nga ng first shooting day ang ipinost ng The IdeaFirst Company sa kanilang Facebook page, na ini-repost naman ni Direk Perci. Larawan ito nina Martin as Daniel, Paolo as Gabriel, at Christian as Samuel na naka-dress ng pambabae at bonggang-bongga ang hitsura bilang The Panti Sisters. Kitang-kita mong kinakarir talaga nila ang role nila sa movie.
Masaya sina Direk Perci at Direk Jun dahil napagsama nila ang tatlong magagaling at “beautiful” actors na sina Paolo, Christian, at Martin, na bumida sa nakaraang mga pelikula ng IdeaFirst. Sina Paolo at Christian ay tampok sa award-winning at box-office hit na Die Beautiful, na idinirehe ni Direk Jun. Pinagbidahan naman ni Martin ang sequel nitong Born Beautiful, na idinirehe ni Direk Perci.
Bagama’t hindi sequel at walang kinalaman sa Beautiful movies ng IdeaFirst ang The Panti Sisters, dream come true para kina Direk Perci at Direk Jun na mapagsama nila sa isang pelikula sina Paolo, Martin, at Christian.
Kuwento nga ni Direk Perci, “Sabi ni Jun sa akin, ‘Ay, dapat magsama-sama ‘yung tatlo.’ Kasi ang bongga ng feeling ‘pag silang tatlo. Ako naman, sige gawin natin. Tapos iniisip namin further down the road. Eh may nag-propose ng storyline, kasi regularly may brainstorming kami sa IdeaFirst eh. So, noong prinopose ni Ivan Payawal ‘yung storyline, ‘Ay, maganda!’ Tapos nag-open ng entries ang PPP. So, sabi namin, ‘Sige isali natin, baka sakali.’ So, we were really surprised na this soon gagawin na namin ito.”
Kasama rin sa cast sina John Arcilla, Carmi Martin, at Rosanna Roces. Mapapanood ang The Panti Sisters bilang bahagi ng 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino na tatakbo mula Setyembre 13 hanggang Setyembre 19 sa mga sinehan nationwide.
PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga