ISANG pagtitipon ang naganap kamakailan sa Clark, Pampanga kasama ang ilang Cabinet officials at mga mambabatas ng bagong Kongreso.
Ang event na binuo ni Taguig-Pateros congressman Alan Peter Cayetano, ay masasabing unang pagkakataon na nagpulong ang mga senior Cabinet officials at mga miyembro ng Kamara de Representantes bago pa man magbukas ang Kongreso.
Masasabing magandang pagkakataon ito para mapag-usapan ang mga programa ng administrasyon at gayondin ang mga planong panukala ng mga kongresista. Malaking tulong ito sa mga kongresista na bubuo ng mga bagong batas dahil sa bibig na mismo ng Cabinet secretaries nila maririnig ang mga plano ng Pangulong Duterte sa natitirang tatlong taon ng kanyang termino bilang presidente.
Mga bigatin ang naimbitang Cabinet officials ni Cayetano — sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Transportation Secretary Arthur Tugade at Public Works Secretary Mark Villar. Sila ang madalas na makakasalamuha ng mga kongresista sa pagrerekomenda nila ng mga infrastructure projects sa national budget at pagbubuo ng mga batas na kailangan ng pondo.
Si Cayetano lang ang nakapagbuo ng ganitong forum na dapat ay isang simpleng seminar lang ng parliamentary rules and procedures sa Kongreso para sa mga bagong mambabatas. Pero minabuti na ni Cayetano na maging mas makabuluhan ang pagtitipon kaya’t inimbita niya sina Dominguez, Tugade at Villar.
May iba rin namang seminar on parliamentary procedures na puwedeng puntahan ang mga bagitong mambababatas, pero wala silang makakausap na Cabinet officials para mahingan ng payo o maidulog ang kanilang mga planong panukala.
Dahil hindi naman nais ni Cayetano na magbida tulad ng iba, nakasaad sa imbitasyon: “Vision Into Reality” forum na ginanap sa Clark na hosted rin ng mga lider ng iba’t ibang political party, kasama sina Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte at Deputy Speaker Raneo Abu ng Nacionalista Party (NP); San Juan Rep. Ronnie Zamora, Cavite Rep. Bambol Tolentino, Mandaluyong Rep. Boyet Gonzales at Laguna Rep. Dan Fernandez ng PDP-Laban; at Antipolo Rep. Robbie Puno, Dasmariñas City Rep. Pidi Barzaga at Masbate Rep. Bong Bravo ng National Unity Party (NUP).
Imbes atupagin ang pamimili ng boto o pangangako ng pondo tulad ng ginagawa ng ibang kandidato sa pagka-Speaker, ang naisip na gawin ni Cayetano ay tipunin ang mga kapwa kongresista at Cabinet officials para maipaliwanag nang mabuti ang programang reporma ng Pangulong Duterte.
Ganyan dapat ang pag-iisip at saloobin ng isang Speaker. Hindi na bago ito kay Cayetano dahil dati na rin siyang naging senador at congressman. Alam niya ang kahalagahan ng mga ganitong briefing at pagpupulong sa mga miyembro ng Gabinete bago pa man magbukas ang Kongreso.
Dating foreign affairs secretary rin si Cayetano ni Pangulong Duterte kaya’t alam din niya ang mga prayoridad ng Malacanang.
Kaya alam ni Cayetano na isang malaking tulong ang forum para sa mga mambabatas. Pero may ilang kampo na gustong lagyan ng malisya ang isinagawang pagtitipon. Parte raw ito ng pangangampanya ni Cayetano para sa pagka-Speaker.
Gayong hindi naman pangangampanya ang layunin ng forum, e kung nagpipilit silang gawing poltikal, sige, kung talagang pinipilit nila. Eto ang pag-isipan nila ngayon: Si Cayetano lang ang may kakayahang lumapit at paunlakan agad ang kanyang imbitasyon ng mga Cabinet officials na malalapit sa Pangulong Duterte. Ang mga inimbita ni Cayetano, lalo si Dominguez, ang pinapakinggan ng Pangulo.
O, paano ngayon ‘yan? Tapos na ang laban?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap