MAS tututukan ngayon ng kilalang producer ng mga award-winning indie films na si Baby Go ang pagnenegosyo. Ayon kay Ms. Baby, muli niyang pagtutuunan ng pansin ang kanyang real estate business.
Hindi na mabilang ang mga awards at pagkilalang natanggap niya bilang movie producer. Ang latest na natapos niya ay pelikulang Latay ni Direk Ralston Jover, starring Allen Dizon at Lovi Poe. “After Latay, mayroon akong tatapusing movie. Tatlo na lang siguro o apat, ‘yung nandiyan na lang muna. Mag-focus ulit ako sa real estate, kasi rito ako nagsimula at ‘yung pera mo, babalik agad. Unlike sa showbiz, ang tagal,” panimula ni Ms. Baby.
“Although ako, bumawi ako sa puhunan, mayroong kikita, walang kita, honestly iyan. Parang tabla-tabla lang, pero siguro baka ganoon daw, kaya ‘di pa ako nagkaroon ng tiyempo na kikita talaga ang movie ko, di pa ko time na ganoon siguro… Pero mas maganda na ‘yung talagang babalik ako roon sa rating business ko. Doon naman nanggaling ‘yung pera ko na kinukuha ko pang-produce. I don’t care kung ano sasabihin ng iba, wala akong utang, wala akong atraso, nagsasalita ako kahit saan, may radio program ako at sa awa ng Diyos, wala namang nagsalita nang di maganda. Pabor naman sa akin.
“Although, I love movies talaga, I love showbiz, mahal ko ang showbiz simula’t sapol pero ‘di na ako affected sa sasabihin ng iba na ganyan-ganyan… Hindi pa naman ako nag-issue sa production ko ng cheke na tumalbog. Lahat naman sila cash, wala naman kaming tumalbog na cheke,” aniya.
Esplika ng mabait na businesswoman/indie producer, “So ngayon, back to real estate ako. Actually, mayroon nang idinevelop, ‘yung properties ko ngayon nasa Cavite, Bacoor na ilan na ang buyer. Ten doors and 10 units na ibinebenta ko ngayon, ang price lang per unit is P3 million, commercial iyong area ko. Sa baba, commercial iyon and magagawa na ang 3rd floor. Gusto ko sariling lupa ko idine-develop ko na ngayon as subdivision. Mayroon akong Cavite, Laguna, mayroon akong Manila na tatayuan ko, mayroon ding QC housing project.”
Bukod sa real estate, kabilang din sa business ni Ms. Baby ngayon ang BG Alkaline Drinking Water at BG Showbiz Pus Magazine.
Mayroon din siyang weekly radio program sa DZAR na napapakinggan every Saturday, 5-7 pm. Isa sa madalas niyang guest dito ay si Dr. Ramon Ramos.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio