Monday , December 23 2024

Protektor ng mga “GI” ang ‘salot’ na IO ng BI

NANG minsang mag­sagawa ng inspeksiyon ang ilang non-govern­ment organizations (NGOs) sa isang construction site sa Boracay ay tumambad sa kanila ang sangka­tutak na dayuhang Tsekwa na nagtatra­baho roon.

Nadiskubre ng NGOs na ang mga “GI” (as in Genuine Intsik) ay wala palang mga kauku­lang permit at dokumento mula sa national at local agencies ng ating pamahalaan.

Pero alam n’yo ba, Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jamie Morente, kung bakit dumagsa ang illegal workers na dayuhan sa Boracay?

Puwes, kung hindi pa ay dapat malaman ni Morente na inaagawan siya ng delihensiya, ‘este, papel ng isang Immigration Officer (IO) na umaastang akala mo ay siya ang commissioner ng BI sa Boracay.

Hawak daw ng isang “IO Daquikil” ang disposisyon na siyang nag-aalaga ng mga GI na illegal workers sa Boracay kapalit ng umano’y service charge na 13-K pesoses, gayong ang opisyal na dapat maging singil sa working permit ay 4-K pesoses lang kada aplikante.

Kaya naman hindi na kailangan hulaan na siya rin ang ‘Ninong’ ng mga GI na walang kaukulang permit at illegal workers na Tsekwa sa Boracay na umaagaw sa trabaho ng ating mga kababayan sa sarili nating bansa.

Ang mga gaya ni Daquikil ay nahahanay sa mga “Makapili” noong panahon ng Hapon na ipinagkakanulo ang sariling lahi para sa pansariling interes at kapakanan.

Hindi kagandahan ang record ni Daquikil na ating nasagap sa kanyang mga kabaro sa BI at kung tutuusin ay mas kalipikadong mapabilang sa sindikato kaysa serbisyo sa gobyerno.

May mga bakas pang naiwan ang damuhong si Daquikil nang tangkaing kikilan ng halagang 15-K pesoses ang isang dayuhang Koreano.

Dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang dayuhan matapos ipitin ni Daquikil ang inaaplayang Special Working Permit (SWP) ng Koreano.

Ipinatapon si Daquikil sa Dumaguete kaya’t hindi siya nalambat ng mga ahente ng NBI na humanting sa kanya.

Sa sobrang talim, ultimo mga kasamahan ay isinusuka si Daquikil kaya’t sa mga airport na dati niyang destino ay nasibak din siya.

Ang ipinagtataka ng kanyang mga kabaro ay kung paano siya nakapagbalik-bayan sa Boracay, sino raw ba ang ipinagmamalaking padrino na protektor ni Daquikil sa BI?

Pero si Junjun Gevero, hepe ng Immigration Regulation Division (IRD), lang ang tanging makasasagot kung bakit ‘untouchable’ si Daquikil.

Aba’y, Comm. Morente, saan n’yo ba puwedeng ihagis na destino si Daquikil para hindi makaprehuwisyo?

PIRMA NI MORENTE MAHAL PA SA PIRMA NG “THE BEATLES?”

SA bisa kaya ng anong ‘memorandum order/circular’ nakabase ang ipinatutupad ng mga kawani na nakatalaga sa Visa Extention Office ng BI na pasukahin ang mga aplikante ng halaga na higit sa dapat nilang bayaran.

Ang mga aplikanteng overstaying ng 1-taon pataas na kumukuha ng extension para sa tourist visa ay pinaghahatag muna ng P20-K kahit naka­pagbayad na sa mga kaukulang bayarin at penalty bago raw dalhin ang kanilang mga dokumento para mapirmahan sa Office of the Commissioner (OCOM).

Sino kayang mga pangahas iyan na ginagawang requirement sa BI na isang ahensiya ng gobyerno ang pangongotong?

‘Di hamak na sobrang napakamahal naman yata ng signature ni Commissioner kompara sa nabibiling pirma ng mga kilalang tao na nabuhay sa mundo na aking napapanood sa Pawn Stars ng History Channel?

Baka walang kamalay-malay si Comm. Morente na ginagawa siyang tulad sa ‘antique’ ng kanyang mga damuhong tauhan sa Visa Extension Office at nilalagyan ng price tag ang kanyang mahalagang pirma.

Aba’y, sa laki ng hinihingi nilang halaga ay lalabas na mas mahal pa ang pirma ni Morente kaysa sinomang miyembro ng The Beatles na sina John Lennon, Paul McCartney, George Harrison at Ringo Star.

‘Di nga? Seryoso kayo riyan sa Visa Extension Office ng BI na P20-K, pirma lang ni Comm. Morente?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *