ISA si Ina Feleo sa mapapanood sa pelikulang Feelennial (Feeling Millennial) na pinagbibidahan nina Ai Ai delas Alas at Bayani Agbayani. Mula sa pamamahala ni Direk Rechie del Carmen, ito’y showing na sa June 19.
Si Pops Fernandez ang executive producer dito, kaya mapapanood din siya sa isang special cameo role rito. Ito’y mula sa Cignal Entertainment at DSL Productions ni Pops.
Si Ina ay isa sa millennial dito na barkada ni Ai Ai. Nag-comedy ba siya rito? Tugon niya, “Di naman napakuwela, pero ano ‘yung character ko mismo, ako ‘yung medyo mataray na millennial.”
Aminado si Ina na nag-adjust siya sa pelikulang ito dahil mas madalas siyang natotoka sa drama. Kung bibigyan ng chance, in the future ay gusto raw niyang ma-try mag-sitcom or sumabak sa pelikulang talagang magko-comedy siya. Aniya, “Gusto rin, gusto ko rin kasi parang ‘yung tatay ko ‘di ba, ano siya… talagang parang complete-all around (actor). Kasi, ‘di mo masabing complete actor ka talaga kapag hindi mo nagawa ‘yung comedy, drama, horror… ‘yung ganoon. So, ako gusto ko pa siyang i-explore.
“For me, mas mahirap ‘yung comedy e, kaysa drama. Sa comedy kasi, ‘pag hindi sila natawa sa iyo parang fail ka e, ‘di ba? At least ‘yung drama, kahit hindi maiyak, okay lang. Pero ‘yung comedy, may affect talaga, e. Kaya gusto kong makagawa pa ng more. Tsaka gusto ko ‘yung nakakatrabaho ko sila, ‘yung magagaling talaga sa comedy, kasi matuto ka e, may skill e, may talent and skill… talent talaga ‘yung comedy, e. I mean, you can work on it, puwede rin siyang matututunan.
“Nag-enjoy ako habang ginagawa ang movie, saka kumbaga sa eksena pa lang, kapag hindi ako ‘yung part, nanonood ako, tawa ako nang tawa sa kanilang dalawa. Kasi natural ‘yung ano nila, saka ang dami nilang ipinapasok bigla na hindi mo ine-expect, nakakatawa.”
Ano ang masasabi niya kina Ai Ai at Bayani? “Mataas ang respeto ko sa kanila e, kasi kahit
noong buhay pa si daddy, nanonood na ako sa mga shooting nila, mahusay talaga. At saka, ‘yun nga, sinasabi ko, for me, bilang artista, mas mahirap ‘yung comedy. So in a way, mataas pa ‘yung pagka-starstruck ko sa kanila. Tapos, sobrang babait nila. Siyempre noong simula, maingat ako, may distansiya, ganyan. Kasi siyempre, kahit naman kaibigan ‘yan ng mga magulang mo, hindi ka naman nila personal na kilala. Pero grabe ang welcoming nila, ang humble, mga totoong tao talaga. Ang sarap e, walang ere. Ang sarap katrabaho, mai-inspire ka.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio