NAIUWI ni Gazini Ganados ng Talisay, Cebu, ang korona bilang Miss Universe Philippines 2019. Tinalo ni Gazini ang 39 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ipinasa ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang korona kay Gazini noong Linggo, June 9, sa grand coronation night na ginanap sa Araneta Coliseum.
Pinaniniwalaang nagwagi si Gazini sa magandang sagot nito sa tanong na, ‘If you win the crown tonight, what can you do to get more women in the workplace?’
Sagot niya, ”If I win the crown tonight, what I will do is to promote my advocacy. My advocacy is for us women to fight for our rights and for the LGBT community. And for us to be able to know that someone is loving us and someone is pushing us to whatever ambitions that we have. We will be able to rise from our decision to whatever dreams that we have, goals that we have and we will achieve it because of those values, those wisdoms that they gave us. Thank you.”
Ang iba pang mga nagwagi sa grand coronation night ay sina Bea Patricia Magtanong (Bataan) bilang Bb. Pilipinas International 2019;Resham Ramirez Saeed (Maguindanao) bilang Bb. Pilipinas Supranational 2019; Emma Mary Tiglao (Pampanga) bilang Bb. Pilipinas Intercontinental 2019; Samantha Ashley Lo (Cebu City) bilang Bb. Pilipinas Grand International 2019; at Leren Mae Bautista (Laguna) bilang Bb. Pilipinas Globe 2019.
Itinanghal namang runner-up ang kandidata mula sa Pasig City, si Maria Andrea Verdadero Abesamis at second runner-up ang taga- Palawan na si Samantha Bernardo.
Dalawang special award ang nakuha pa ni Gazini, ang Face of Binibini at Best in Long Gown at dalawa rin si Bea Patricia, ang Best in Swimsuit at Bb. Megawide.
Si Emma Mary naman ang nakakuha ng Pitoy Moreno Best in National Costume at Miss Pizza Hut samantalang anim na special awards ang naiuwi ni Vickie Rushton, ang Bb. Poten Cee Gandang Palaban 2019, Miss World Balance, Miss Creamsilk, Manila Bulletin Reader’s Choice Award, Miss Ever Bilena, at Jag Denim Queen.
Binibining Friendship naman ang naiuwi ni Sherry Ann Tormes ng Polangui, Albay habang si Cassandra Chan ang nanalo ng Best in Talent at si Martina Diaz ng Muntinlupa ang itinanghal na Miss Philippine Airlines.