MARAMING airport na rin naman tayong nalapagan.
Mayroong maliliit na airport, mayroong malalaki.
‘Yung iba nasa city, ‘yung iba nasa suburb areas. Pero sa lahat ng airports na ‘yan, wala tayong maipipintas dahil maayos ang kanilang sistema.
Kaya naman kapag nakikita natin ang nangyayari sa iba’t ibang terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ‘e talaga namang nanlulumo tayo.
Isang halimbawa na rito ang NAIA Terminal 3. Kung ikaw ay isang ordinaryong pasahero, sa pre-departure entrance pa lamang mula sa pagpasok at scanning ng iyong mga bagahe kokonsumo ka na ng kung ilang minuto (maaaring umabot hanggang 30-45 minuto) depende pa sa volume ng luggages ng mga kasabay na pasahero.
(Nota Bene: Ang ibig sabihin po natin ng ordinaryong pasahero ‘e ‘yung hindi ka senior citizen o person with disability (PWD). Kapag nandiyan ka kasi sa priority lane, siyempre mapapabilis nang konti lalo na ‘yung may mga OB pass).
Pero ang pinag-uusapan natin dito ‘e ‘yung mas maraming ordinaryong pasahero gaya ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakakaranas nang walang hanggang pagkabanas at pagkainis dahil pagkatapos pumila sa pre-departure entrance, pipila pa ulit para sa pagbabayad naman ng travel tax dahil kung hindi, siyempre hindi makapagte-check-in ng kanilang mga bagahe. Kaya panibagong pila na naman.
Siyempre, hindi mapapansin ‘yang ganyang katagal at paulit-ulit na pagpila lalo na kung maagang dumarating sa airport ang pasahero.
Pero sabi nga, hindi naman palaging mahaba ang pasensiya ng isang traveller lalo na kung hindi nag-i-improve ang NAIA sa matagal nang inirereklamo ng mga pasahero.
Bakit ba kailangan pang ihiwalay ang pagbabayad ng travel tax kapag bumibili ng tiket?! O kaya bakit ba hindi gawing online na rin ang pagbabayad ng travel tax?! Nang sa gayon, pagdating sa NAIA ay hindi na nila kailangan maglabas pa ng cash at hindi na sila palipat-lipat pa ng pila?!
Kung hindi tayo nagkakamali, matagal nang may plano ang Department of Tourism (DOT) na muling isama sa pagbili ng tiket ang travel tax.
E ano na ba ang nangyari sa plano na ‘yan Madam Secretary Berna Romulo Puyat? Hindi ba’t ganyan din ang sinabi ng Department of Transportation (DOTr)?
Anyare sa mga plano ninyo Secretary Berna and Secretary Art Tugade?!
Suhestiyon lang natin kay Ma’m Berna, subukan niya kayang pumunta kahit sa NAIA Terminal 3, nang sa gayon ay makita niya kung anong pagdurusa ang nararanasan ng mga pasahero bago sumakay ng eroplano?
Mantakin ninyo, simpleng pagbabayad ng travel tax ‘e hindi pa maging sistematiko nang sa gayon ay maging magaan ang pabibiyahe ng mga pasaherong dumaraan sa NAIA?!
Madam Berna, subukan n’yo kayang diyan ‘magpakyut’ at ‘mag-selfie’ sa NAIA para makita naman ninyo kung paano umuusok ang ilong ng mga nabubuwisit na pasahero.
Kailan ba matatapos ang hilahil ng mga pasahero sa pagbabayad ng travel tax?!
Ang tagal naman!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap