MARAMING airport na rin naman tayong nalapagan.
Mayroong maliliit na airport, mayroong malalaki.
‘Yung iba nasa city, ‘yung iba nasa suburb areas. Pero sa lahat ng airports na ‘yan, wala tayong maipipintas dahil maayos ang kanilang sistema.
Kaya naman kapag nakikita natin ang nangyayari sa iba’t ibang terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ‘e talaga namang nanlulumo tayo.
Isang halimbawa na rito ang NAIA Terminal 3. Kung ikaw ay isang ordinaryong pasahero, sa pre-departure entrance pa lamang mula sa pagpasok at scanning ng iyong mga bagahe kokonsumo ka na ng kung ilang minuto (maaaring umabot hanggang 30-45 minuto) depende pa sa volume ng luggages ng mga kasabay na pasahero.
(Nota Bene: Ang ibig sabihin po natin ng ordinaryong pasahero ‘e ‘yung hindi ka senior citizen o person with disability (PWD). Kapag nandiyan ka kasi sa priority lane, siyempre mapapabilis nang konti lalo na ‘yung may mga OB pass).
Pero ang pinag-uusapan natin dito ‘e ‘yung mas maraming ordinaryong pasahero gaya ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakakaranas nang walang hanggang pagkabanas at pagkainis dahil pagkatapos pumila sa pre-departure entrance, pipila pa ulit para sa pagbabayad naman ng travel tax dahil kung hindi, siyempre hindi makapagte-check-in ng kanilang mga bagahe. Kaya panibagong pila na naman.
Siyempre, hindi mapapansin ‘yang ganyang katagal at paulit-ulit na pagpila lalo na kung maagang dumarating sa airport ang pasahero.
Pero sabi nga, hindi naman palaging mahaba ang pasensiya ng isang traveller lalo na kung hindi nag-i-improve ang NAIA sa matagal nang inirereklamo ng mga pasahero.
Bakit ba kailangan pang ihiwalay ang pagbabayad ng travel tax kapag bumibili ng tiket?! O kaya bakit ba hindi gawing online na rin ang pagbabayad ng travel tax?! Nang sa gayon, pagdating sa NAIA ay hindi na nila kailangan maglabas pa ng cash at hindi na sila palipat-lipat pa ng pila?!
Kung hindi tayo nagkakamali, matagal nang may plano ang Department of Tourism (DOT) na muling isama sa pagbili ng tiket ang travel tax.
E ano na ba ang nangyari sa plano na ‘yan Madam Secretary Berna Romulo Puyat? Hindi ba’t ganyan din ang sinabi ng Department of Transportation (DOTr)?
Anyare sa mga plano ninyo Secretary Berna and Secretary Art Tugade?!
Suhestiyon lang natin kay Ma’m Berna, subukan niya kayang pumunta kahit sa NAIA Terminal 3, nang sa gayon ay makita niya kung anong pagdurusa ang nararanasan ng mga pasahero bago sumakay ng eroplano?
Mantakin ninyo, simpleng pagbabayad ng travel tax ‘e hindi pa maging sistematiko nang sa gayon ay maging magaan ang pabibiyahe ng mga pasaherong dumaraan sa NAIA?!
Madam Berna, subukan n’yo kayang diyan ‘magpakyut’ at ‘mag-selfie’ sa NAIA para makita naman ninyo kung paano umuusok ang ilong ng mga nabubuwisit na pasahero.
Kailan ba matatapos ang hilahil ng mga pasahero sa pagbabayad ng travel tax?!
Ang tagal naman!
NAIA TERMINAL 2,
HUWAG IDAHILAN
ANG RENOBASYON
SA PALPAK NA AIR
CONDITIONING
SYSTEM!
HUMINGI raw ng paumanhin ang general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa abalang dulot ng rehabilitasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2.
Sabi niya: “We sincerely apologize for the inconvenience that the project is causing to all. We seek for more patience and understanding. Once completed, it will be worth all the trouble and discomfort. Konting panahon pa ang hinihiling namin,”
‘Yan daw po ang pahayag ni MIAA general manager Ed Monreal, sabi sa press release.
Ayaw naman nating magmukhang sinungaling si GM Monreal. Pero baka matagal nang hindi naiuulat sa kanya na kahit hindi pa man nagre-renovate sa NAIA Terminal 2 ‘e talagang mainit na ang kanilang air conditioning system.
Hindi ko alam kung pampalamig ba ‘yang naikabit na air conditioning system o heater. O baka naman sauna ‘yan!?
Bwahahaha!
Kidding aside, puwede namang simple lang ang solusyon diyan. Kung hindi kaya ng air conditioning unit nila ngayon, bumili sila ng 2-ton or 3-5 ton capacity na air conditioning units.
Kung wala silang budget, ipa-sponsor nila kay Simon Wong, ang pinakamalaking food concessionaire sa NAIA.
Kawawa naman ang mga pasahero lalo na kapag nagkakaaberya sa luggage carousel (conveyor) at nagkakapatong-patong ang mga bagahe at ang mga pasaherong naghihintay ay nagpapang-abot kaya lalong nararamdaman ang matinding init.
Gaya nang nagyari kamakailan.
E diyan lang sa boarding gate, subukan ninyong maglakad diyan kung hindi pawisan maging ang singit ninyo!
T2 manager Joy Mapanao, kailangan pa bang si GM Monreal ang magresolba ng ganyang problema? Hindi ba’t kaya may mga terminal manager ay para ma-unload ang GM nang sa gayon ay makapag-focus siya sa mas importanteng trabaho niya?!
Aba, kung kayo ay galak na galak, payapa at relax na relax sa loob ng inyong malalamig na opisina, makonsensiya kayo sa mga pasahero (banas na banas at kunsumido sa sistema ninyo) and at the same time ay taxpayers na isa sa mga nagpapasuweldo sa inyo.
Malasakit naman!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap