Matapos magdirek nang sunod-sunod na pelikula, bumalik sa pag-arte si Direk Romm Burlat. Ang kaibahan niya sa karamihan ng filmmaker, hindi lang siya basta direktor kundi artista at line producer din siya. Si Direk Romm ang bida sa movie titled Tutop na pinamahalaan ni direk Marvin Gabas. Ito ay isang horror film na tinatampukan din nina Jay-R, Tonz Are, Faye Tangonan, at iba pa.
Ano ang role niya sa Tutop at bakit ganito ang title? “Sa movie, ako si Presencio, lead role ako sa movie. Ang ibig sabihin ng Tutop, pangtakip ng butas. Tinatakpan ang katotohanan. Tinatakpan ang mga pangyayari,” tugon niya.
Idinagdag ni Direk Romm na ang papel niya rito ay may sayad sa utak. “Ang Tutop ay isang one-of-a-kind suspense drama horror film. Ito ang most challenging, most excruciating at most demanding na role na ginampanan ko. May sayad sa utak, baliw… pero worth it. I kill for my family dahil weird ako rito, parang Jack Nicholson.
“This is my second lead role, first lead role ko ang Sindi na nanalo ako ng both Best Director and Best Actor sa Gawad Filipino Awards. Dapat din abangan ang movie naming Bakit Nasa Huli Ang Simula, first starring role ni Faye Tangonan with William Martinez, Lance Raymundo, Jay-R Ramos, Lester Paul, at iba pa.”
Pahabol ng prolific actor/director, “Ang mga ibang natapos ko na movie ay If a Picture Paints tungkol sa AIDS and cancer at ang Aliw ng Baliw, isang light comedy-drama. Ang gagawin kong next ay Nabulag ang Buwan sa Init ng Araw. Ito ay tungkol sa anti-bullying. At ang sequel ng internationally recognized na Beki’t Ako, ang title ng pelikula ay Baklang Twooo.
“Sa ngayon ay 17 movies na ang natapos ko. Nominee ‘yung two movies ko, Akay at Ama Ka Ng Anak Mo sa We Care Film Festival sa New Delhi, India na ang awards night ay sa September. Nominated ito for Best Picture at may mga individual nominations pa,” aniya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio