KAMAKAILAN ay nagpaalala at nagbanta ang Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga tumakbong kandidato na mabibigong ipasa ang kanilang Statement of Contributions and Expenses (SOCE) hanggang sa deadline nito sa 13 Hunyo 2019.
Sa mga nanalong kandidato na hindi makapagpapasa nito, mangangahulugan umano ito na hindi sila makauupo sa puwesto.
Habang ang mga talunan na hindi makapagpapasa ng SOCE ay mahaharap sa asunto.
‘Yun bang tipong olat ka na, tumosgas pa, at dahil hindi nakapagpasa ng SOCE ‘e maasunto ka pa.
Naniniwala naman tayo na dapat talagang mag-ulat ang mga kumandidato.
Pero dapat ay mag-ulat nang tama at totoo.
Iuulat kaya ng mga kandidato ang totoo kung sino-sino ang nag-finance sa kanilang kandidatura?! Magkano ang kanilang nalikom? Magkano ang tunay na gastos at magkano ang naisubi?!
‘Yung tunay na gastos sa kampanya alinsunod sa itinatakda ng batas, nasusunod kaya ‘yan?!
Sa dami ng naghambalang na tarapaulin, mga poster, pag-upa sa iba’t ibang entertainment groups na kinakaray ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya, TV ads at iba pa, tingin ba ninyo ay maliit lang ang ginastos ng mga kandidato?!
Ultimo nga ‘yung mga tipong nuisance candidate lang na naaprobahan ng Comelec, gumastos din — at hindi barya ang tosgas nila.
Sa local elections nga lang, ang laki ng gastos ‘e di lalo sa national kagaya ng mga congressman at senador.
Subukan nilang mag-ulat nang tama, tiyak na diskalipikasyon ang kalalagpakan nila dahil sa overspending.
Kaya sa palagay ba ninyo, e mag-uulat nang tama ang mga kandidatong nanalo at natalo?!
Simple lang ang punto natin. Huwag sanang mabuhay sa kasinungalingan ang Comelec at huwag nila hayaang maging sinungaling din ang mga kandidato.
Baguhin nila ang guidelines, ‘yung angkop at malapit sa katotohananan, ‘di ba Spokesman James Jimenez?!
E parang niloloko naman ninyo ang sarili ninyo, Mr. Spokesman.
Kilitiin n’yo nga kami nang matawa naman kami.
Hik hik hik…
TRO NI REP. JOEY SALCEDA
MAKATUWIRAN LANG
PARA SA MGA PROBINSIYANO
PABOR trayo sa inihaing temporary restraining order (TRO) ni Albay Rep. Joel Salceda kaugnay ng pagbabawal sa mga provincial buses sa EDSA.
Lahat daw kasi ng provincial buses na may terminal sa EDSA ay pinalilipat sa Sta. Rosa, Laguna.
Ano nga naman ang pagkakaiba ng terminal sa EDSA at terminal sa Sta. Rosa, Laguna?!
Pareho lang.
Maliban sa mga karagdagang bayarin at abala sa oras na ang tanging maapektohan ay mga pasahero ng mass transportation.
Imbes mapabilis, lalo pang madaragdagan ang oras nila sa pagbibiyahe. Dagdag gastos din ito lalo na ‘yung mga galing sa probinsiya na maraming bagahe.
Ilang beses ba nating sasabihin na hindi ang mga provincial mass transportation ang pinagmumulan ng pagsisikip ng trapiko dahil kung bibilangin mas kaunti sila sa private cars.
So, bakit ang mass transportation ang pinag-iinitan ng mga ahensiya ng gobyerno gayong ang maapektohan nito ay mahihirap nating kababayan?!
Alam ba ng mga may pakana ng pagbabawal ng bus terminal sa EDSA na ginto ang ‘pasahe’ sa mga taga-probinsiya?!
Kung sa Metro Manila nga ay naliligaw ang mga kababayan nating galing sa probinsiya, doon pa kaya sa Sta. Rosa na isa pa ring probinsiya o lugar na hindi pamilyar sa kanila?
Mantakin ninyo 6,000 northbound at southbound provincial buses ang iba-ban sa EDSA? Makatutulong ba ‘yan para lumuwag ang trapiko?
Alalahanin ninyo 6,000 lang ‘yan? Maliit kompara sa mga pribadong sasakyan na nagyayaot sa EDSA araw-araw.
By the way, kumusta nga pala si MMDA Chairman Danilo Lim?! May sakit ba si Chairman at hindi napagkikita?
E laging si Ms. Celine Pialago lang ang nahahagip natin sa telebisyon at siyang laging nagsasalita sa media.
Ano na ba ang nangyayari kay MMDA Chairman Danny Lim at bakit masyado siyang tahimik?!
Nakaka-miss rin po kayo General Lim!
Pakibalitaan nga ninyo kami MMDA general manager Jojo Garcia?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap