SUMABAK na rin sa mundo ng showbiz ang ikatlong anak ni Mayor-elect Isko Moreno na si Joaquin Domagoso. Ang 17 year old na si JD (tawag kay Joaquin) ay isang certified heartthrob sa school nilang Southville International School na siya ay kasalukuyang Grade 12. Dito ay nanalo siyang Mr. Teen SGEN 2018.
Kahit binatilyo pa lang ay matangkad si JD at guwapings ang tisoy na newcomer, kaya malaki ang tsansa na humataw nang husto ang career niya sa showbiz.
Sa June 1 ay mapapanood siya sa Ipaglaban Mo ng ABS CBN, starring Ella Cruz.
Ito ang unang acting experience niya. “Maliit lang naman po ‘yung part ko, ang role ko, I’m a friend of Ella Cruz,” sambit ni JD.
Dagdag niya, “Nailang po ako dahil bukod sa first time ko, maraming tao sa set. Ang na-experience ko ay ‘yung technical stuff, like bukod sa maraming tao, iyong lapel. Hindi ko alam na naka-on at naririnig pala ako, but I didn’t say anything bad naman,” nakangiting wika niya.
“Opo, nag-enjoy naman ako sa unang sabak ko sa acting, kasi nakapag-acting workshop na rin naman ako,” pahabol ni JD.
Kabilang din sa main cast ng pelikulang Lumad si Joaquin. Ito ay tinatampukan nina Epy Quizon, Mon Confiado, Uno Santiago, at iba pa. Dito’y gaganap sila bilang mga sundalo sa Mindanao.
Nabanggit din niya na bilib siya sa husay ni Arjo Atayde sa mini-series na Bagman ng iWant. Sa sobrang enjoy daw niya sa Bagman, dalawang beses niya itong inulit panoorin.
Ano ang payo ni Mayor Isko sa kanya sa pagpasok niya sa showbiz? “Si Papa, ‘yung advice niya po is just listen to daddy…Papa (Isko) trust Daddy. I trust daddy…. So, I have to listen to daddy. Si papa ‘yung sabi niya, mag-aral mabuti and just listen to daddy Wowie,” saad ni Joaquin.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio