BINASBASAN ang Women and Child Protection Unit sa Navotas City Hospital na ipinagmamalaki nina Navotas City Mayor at ngayon ay congressman-elect John Rey Tiangco at nakakatandang kapatid na si mayor-elect Toby Tiangco kahapon ng umaga.
Bukod sa Tiangco brothers, dumalo rin sa blessing at inagurasyon sina vice mayor elect Clint Geronimo, Dra. Christia Padolina, hehe ng nasabing ospital, Father Pol, department heads, at hospital staff, councilors Neil Cruz at Arnel Lupisan, mga empleyado at doktor.
Ayon sa batang Tiangco, hindi biro ang dumanas ng physical, emotional harassment, sexual abuse, depression at emotional violence na humahantong sa pagpapatiwakal ng biktima.
Sa tulong ng Consuelo Foundation, mga doktor, pulisya, social workers at lokal na pamahalaan, matutuldukan ang mga pang-aabuso sa mga kabataan alinsunod sa isinabatas na Women and Children Act noong 1997 ngunit 90 units lamang ang Children’s Protection Unit.
Sinabi ni mayor-elect Tiangco, ipagpapatuloy niya ang mga proyekto at programang nasimulan ng sinundan niyang alkalde sabay pakiusap na pagbutihin at iparamdam sa mga pasyente ang nararapat na serbisyo.
Mag-iiba umano ang kanyang management style sa pagpapatakbo sa kanyang pamunuan.
Nagpasalamat din ang magkapatid sa lahat ng sumuporta sa kanila nitong eleksiyon at muling pinagkatiwalaan ng mga Navoteño.
(ROMMEL SALES)