PINAKAPINANONOOD na serye sa hapon at mainit na pinag-uusapan pa rin ang Kadenang Ginto. Patuloy ang walang sawang suporta ng mga manonood sa mga nakagigigil na eksena nina Beauty Gonzales, Francine Diaz, Andrea, at Dimples Romana kaya naman nananatili ito sa kanilang trono.
Hindi natinag sa national TV ratings ang programa at kamakailan ay humataw sa all-time high rating na 27.3%, at araw-araw na nananatili sa 20%-mark, ayon sa datos ng Kantar Media.
Bukod sa telebisyon, malaking tagumpay din ang nakukuha ng serye sa online world dahil umabot na sa higit 800 million ang total views ng daily highlights nito sa YouTube, na halos bawat video ay pumapalo sa mahigit isang milyong views.
Marami rin ang pilit na humahabol sa past episodes ng serye dahil ito ang most watched program ng iWant para sa buong buwan ng Abril, na pumapalo naman sa 1.5 million ang daily views araw-araw.
Walang humpay din ang pagsulpot ng sari-saring memes tungkol sa serye na lubos na kinatutuwaan ng netizens. Marami rin ang gumagaya sa tarayan ng mge eksena ng palabas.
Samantala, isang pagkilala ang natanggap ng Kadenang Ginto matapos gawaran bilang Best Daytime Drama Series sa2019 Golden Laurel Awards ng Lyceum of the Philippines-Batangas dahil sa pamamayagpag ng serye at mahusay na pagganap ng mga karakter nito.
Sa pagpapatuloy ng serye, marami pang pasabog ang gugulat at lalong magpapakapit sa mga manonood tuwing hapon sa mas makapigil-hiningang eksena ng mga mag-iina. Nagbibigay naman ng bagong timpla sa palabas ang pagpasok ng dating PBB Otso housemate na si Seth.
Kasabay ng tagumpay ng Kadenang Ginto, inilulunsad ng Dreamscape Entertainment ang The Gold Squad nina Francine, Kyle, Seth, and Andrea—apat na teenagers na masayahin, responsable, masipag, at mapagmahal sa pamilya na iba’t iba ang pinagmulan, kinalakihan, at pinagdaanan sa buhay. Maglulunsad ang The Gold Squad ng sari-saring proyekto na magdadala ng saya at makare-relate sa kanilang batang fans, kabilang na ang sarili nilang album sa ilalim ng Star Music.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio