MAGSASAGAWA ang KWF ng Uswag Wika at Tula, isang libreng seminar sa wika at tula para sa mga Special Program for the Arts (SPA) ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) mula 29-30 Mayo 2019 sa Marikina Science High School.
Layunin ng seminar na mabigyan ng karagdagang kasanayan ang mga guro at mag-aaral ng SPA sa wastong paggamit ng wikang Filipino at mga kumbensiyon sa pagsulat ng tula.
Sasailalim ang mga piling kalahok sa pagtuturo nina Dr. Michael M. Coroza ng Pamantasang Ateneo de Manila (tula) at Prop. Eilene Narvaez ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (wika).
Bahagi ang libreng seminar sa kampanya ng KWF para sa pagpapalaganap ng Filipino at pakikipag-ugnay sa mga SPA bilang mahalagang katuwang sa mga gawain sa wika, kultura, at sining ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Ang SPA ay pambansang programa ng DepEd para sa mga kabataang may potensiyal at talento sa iba’t ibang sining.
Inaasahang dumalo ang mga kinatawan ng SPA mula sa mga lungsod ng Pasig, Marikina, Mandaluyong, Maynila, Parañaque, Muntinlupa, Quezon, at Malabon.
Hinahangad ang aktibong pakikilahok ng SPA sa buong bansa sa mga itinataguyod ng KWF tulad ng Pambansang Kampong Balagtas, Gawad Jacinto, iKAW, at iba pang proyektong nakatuon sa pagpapasigla ng haraya at kamalayang pangkultura ng kabataang Filipino.