SINIMULAN ng Manila Water ang pagpapagana ng karagdagang 26 deepwells sa kabuuan ng kanilang ‘concession area.’
Hanggang nitong 20 Mayo 2019, higit 35 million liters of water per day (MLD) ang nakukuhang tubig mula sa mga deepwell at inaasahang higit pa itong madaragdagan sa mga susunod na buwan habang nadaragdagan din ang binubuksan pang karagdagang deepwell.
Bago pa nagsimulang mag-operate ang mga karagdagang deepwell, nakakukuha na ang Manila Water ng hanggang 9 MLD tubig mula sa limang naunang napaganang deepwell sa Curayao, Rodriguez.
Ngayon, bukod rito, may karagdagan nang nakukuhang 25 MLD sa 19 deepwells na binuksang muli sa kabuuan ng lalawigan ng Rizal, ang siyam nito ay matatagpuan sa lungsod ng Antipolo.
Kasalukuyang umaabot sa 150 MLD ang kakulangan sa 1600 MLD suplay na nakukuha ng Manila Water mula sa Angat Dam para punan ang ‘demand’ sa tubig ng kanilang customers sa East Zone ng Metro Manila.
Upang matugunan ang kakulangan, nagsasagawa ang kompanya ng ilan pang proyekto bukod sa deepwell.
Ang Cardona Water Treatment Plant nito na kumukuha ng tubig mula sa Laguna Lake, ay nakapagbibigay ng mula 50 hanggang 56 MLD tubig sa ilang bayan ng Rizal. Mayroon na rin karagdagang 18.81 MLD mula sa cross-border flows.
Umabot muli ang water availability sa 99% ng sineserbisyohan ng Manila Water na nagkakaroon ng mula walong oras o higit pang suplay ng tubig hanggang 7 psi (pounds per square inch) pressure, o umaabot hanggang unang palapag nitong 20 Mayo.
Ito ay naaayon sa service obligation ng Manila Water na nakasaad sa Concession Agreement sa gobyerno. Ngunit, sa kabila ng mga karagdagang suplay na ito, umaabot pa rin sa 50 MLD o higit pa ang kakulangan bunsod na rin ng mas mataas na demand tuwing tag-init, kasabay ang patuloy na tumataas na temperatura.