MAINIT pa ring pinag-uusapan kung sino ang mapipiling gaganap na Darna pagkatapos mag-backout ni Liza Soberano dahil sa injury. Pati nga ang mga dating gumanap na Darna ay natatanong na rin ngayon kung sino ba ang gusto nila. Tulad na lang ni Lorna Tolentino na nag-Darna sa television adaptation ng sikat na Pinay superhero sa RPN-9 noong 1977.
Nakausap ng mga press si Lorna sa grand launch niya bilang pinakabagong ambassador ng BeauteDerm na ginanap sa Seda Vertis North Hotel noong May 11. Dito ay natanong siya kung sino ang personal choice niya for Darna. Tulad din ba ng karamihan na si Nadine Lustre?
“Okay naman. Napanood ko ‘yung ano niya ‘yung (pagsigaw niya) ‘Darna!’… nice. Pero marami yata ang nag-o-audition for that eh. Because Darna is Darna! Lahat gustong mag-Darna,” ani Lorna.
So, okay sa kanya si Nadine? “Oo naman! Eh, kasi siya ‘yung nakita ko eh, bagay, ‘di ba?”
Nanghihinayang nga si Lorna na hindi natuloy ang pagsasama sana nila ni Nadine sa isang proyekto. “‘Yung kina Direk Perci Intalan at Direk Jun Lana ‘yun eh. Ewan ko kung ano na ang nangyari. Horror ‘yun eh. Sana magkatrabaho pa rin kami in the future.”
Samantala, inalala naman ni Lorna ‘yung panahon na nag-Darna siya. “Fourteen years old ako, nag-Darna ako sa channel 9. Parang 12 episodes yata siya. Ako ‘yung unang Darna na naka-bathing suit (one piece), hindi bikini (two-piece). Hindi ko na matandaan kung sino ang Ding ko noon.”
Ang hindi niya makalilimutan ay ang aksidenteng nangyari sa set. “Natakot nga ako noon. Na-retain sa akin kasi hindi ko nadaya ‘yung pagpukpok doon sa guy, basta napukpok ko siya. Hindi naman nagdugo. Nagbukol lang. So, traumatic sa akin noong bata ako. Wala akong double noon, kaya nga tinamaan ko ‘yung hindi dapat tamaan eh.”
Paano ang effects ng paglipad niya noon? “Chroma. Naka-blue ‘yung background. Walang harness noon kaya parang nakaano ka rin sa blue na lamesa, nakahiga ka. Pero naka-dangle ‘yung paa mo at saka ‘yung kamay mo. Aba mahirap din ‘yun ha. Na-enjoy ko naman ang 12 episodes.”
PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga