PANAY-PANAY pala ang pagsama ni Vic Sotto sa anak niyang si Vico Sotto na tumatakbong Mayor ng Pasig para suportahan ito.
Biro nga ng mga nakakakita sa komedyante, parang running mate na siya ng anak dahil halos araw-araw kung mag-house to house si Bossing.
At kahit araw-araw ang Eat Bulaga, ni Vic, isinisingit pa rin niya ang pagsama sa anak.
Ayon nga kay Vico nang makausap namin ito, hindi niya inoobliga ang kanyang amang si Vic gayundin ang inang si Coney Reyes na samahan siya sa pangangampanya. Bagkus kusa ang pagsama ng mga ito lalo na si Bossing Vic na sobra-sobra ang effort para sa anak.
Sa kabilang banda, napaka-suwerte ng mga taga-Pasig dahil may isang tulad ni Vico na gayun na lamang ang kagustuhang makapagsilbi sa mga kababayan niya. Tunay na pagbabago, malinis na gobyerno, at tapat na pamamahala ang handog ng binata nina Bossing Vic at Coney.
Nakapagtataka lang na hindi man lang siya naengganyong pasukin ang showbiz gayung parehas ng kanyang mga magulang ay nasa industriya. Katwiran kasi niya, mahiyain siya kaya hindi komportable sa showbiz.
Nilinaw din niyang hindi siya mahilig sa politika kundi sa gobyerno.
“Eversince I was 10 or maybe even younger I just wanted to work in government. Whether elected, apponted, career officer, basta ang puso ko gusto ko magtrabaho sa gobyerno,” paliwanag ni Vico.
Kaya ganito ang pananaw ni Vico ay dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang Kuya LA Mumar, anak ni Coney kay Larry Mumar. ”Eleven years and tanda niya sa akin kaya kung ano ang natutuhan niya sa college, Development Studies major siya, itinuturo niya sa akin tapos may quiz pa ako kinabukasan kung binasa ko yung pinapabasa niya. Kaya at very early age, I was exposed to government related subjects,” pagbabalik-tanaw ni Vico.
Aminado naman si Vico na noong mga panahong iyon ay hindi pa niya masyadong naiintindihan pero hindi nawala ang interes niya sa gobyerno na nag-develop sa isang passion para sa isang mabuting gobyerno.
Kaya pangako ni Vico kapag nagwagi siyang Mayor ng Pasig, “ititigil natin ang pang-aabuso ng kapangyarihan, korupsiyon. Kaya kailangan natin ng politikong bago, fresh, ‘di pa dis-ilusyon sa politika. Kayang tumindig at manindigan sa paggo-gobyerno ng tama.”
Giit pa ni Vico na hindi siya mahilig mangako na hindi naman niya kayang tuparin. “Basta ang numero unong pangako ko sa taumbayan na kung bigyan nila ako ng pagkakataon, wala pong mapupunta sa bulsa ko kundi ang suweldo ko.”
At bagamat may mga kumukuwestiyon kung hindi ba siya natatakot na banggain ang mga Eusebio na mahigit 24 taon nang hawak ang Pasig, sagot ng binata, “Maigsi lamang ang buhay kailangan manindigigan tayo. Hindi puwedeng magpatakot, magpadaan sa intimidation. Kung tingin natin tama ang ginagawa natin, kailangan tumindig tayo.”
Bukod dito, dasal din ang pantapat ni Vico sa anumang labang kanyang kakaharapin.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio