SA ikaapat na taon ng AIFFA (2019) o Asean International Film Festival and Awards na kada ikalawang taong ginaganap sa Kuching, Sarawak, Malaysia, nangibabaw na naman ang ating mga alagad ng sining.
Tatlong major awards ang iniuwi ng Philippine Team—Best Supporting Actress (Barbara Miguel for 1-2-3 Gasping for Air); Best Film (Signal Rock of Chito Roño); and Best Actor for Kristoffer King (for Howard Yambao’s Kristo).
Nasaksihan namin ang napaka-emosyonal na reaksiyon ng mga tao sa bulwagan ng Pullman Hotel na ginanap ang awards at 29 pelikula mula sa iba’tibang bansa sa Asya ang naglaban-laban.
Nang tinawag ang pinaka-Mahusay na Aktor, si Direk Howard ang umakyat sa entablado at may naiyak sa speech niya at marami ang nalungkot.
May mga nagtanong naman sa pagbabalik ng Team sa Pilipinas kung ibinigay ba ang parangal kay King dahil pumanaw na ito bilang pampalubag loob.
Nililinaw po namin na nang umaga lang ng naturang award nalaman ng iba pang jury na kasama ni direk Tikoy (Amable Aguiluz) mula sa apat pang bansa na pumanaw na ang nanalong Best Actor.
Napili si Kristoffer sa merito ng kanyang ginampanan sa naturang pelikula. At hindi sa awa.
Sabi nga ng host na si Rovilson Fernandez, isang pagkakataon ‘yun, “To celebrate Kristoffer’s life!”
Makabagbag-damdamin din ang mga pahatid na mensahe ng pamilya at mga anak ni Kristoffer nang gabing ‘yun dahil nagpakita at nagparamdam daw sa kanilang panaginip ang ama.
Walo ang pelikulang pinili ng Komite na lumaban sa taong ito.
Muli, mabuhay ang ating mga alagad ng sining!
HARDTALK
ni Pilar Mateo