NAGPA-AUDITION din pala ang mga producer para makahanap ng gaganap na Darna sa pelikula matapos na iyon ay maiwan nina Angel Locsin na tumanggi dahil sa problema sa spinal column at ni Liza Soberano na nabalian ng buto sa daliri. Mukhang hindi rin nila pinakinggan ang sinasabi ng dapat sana ay director niyon na nawala na rin, si Erik Matti na ang dapat na Darna ay si Nadine Lustre. Kasi isang factor din naman talaga iyong box office potentials.
Na-snob din nila ang mga artista mula sa ibang networks na willing din daw gawin ang Darna. Bakit mo nga ba naman ibibigay ang ganoong proyekto sa kalaban mo? Maliban siguro kung sasailalim sila sa audition at lilipat sila ng network. Pero kung kami ang tatanungin, wala namang dapat pag-interesan sa mga artistang nagkaka-interes sa Darna.
Tama rin naman ang aktres na si Lea Salonga na noong una pa ay nagbigay ng opinion na dapat siguro ibigay sa isang baguhan na may potential na maging isang star iyang role ni Darna. Marami kasi ang naniniwala na ang project ay makagagawa nga ng instant star.
Pero kami naman, hindi naniniwala sa ganyan. May ilan din namang lumabas na Darna na hindi sumikat nang todo. Ang nakagawa ng pinaka-maraming pelikulang Darna ay si Vilma Santos, pero nang gawin niya ang role, Vilma Santos na siya. Iyon ang dahilan ng sunod-sunod na Darna hits. Kung noong panahong iyon ang nakuha nilang Darna ay si Perla Adea, o si Eva Vivar halimbawa, hindi rin ganoon ang magiging resulta ng Darna.
Sa ngayon, ang paniwala namin, ang kailangang gumanap sana ng role na iyan ay si Angel o si Liza. Eh hindi na nga puwede iyong dalawa. Ewan namin kung ano ang kalalabasan ng makukuha nila. At sana ang makukuha nila ay hindi na mapilayan pa.
HATAWAN!
ni Ed de Leon