EXCITED si Direk Jun Robles Lana sa pagbabalik ng Cine Panulat, ang kanyang libreng screenwriting lab and competition para sa aspiring screenwriters na brainchild nila ni Direk Perci Intalan.
Isa ito sa pangunahing mga proyekto ng pinamumunuan nilang The IdeaFirst Company Inc.
Ang Cine Panulat ay magsisimula na sa May 4, 2019 at magtatapos sa August 4, 2019.
Ayon kay Direk Jun, “Dahil medyo na-delay ‘yung isang project ko sa Viva nagkaroon ako ng time. Kasi naghahanap talaga ako ng time kung kailan ko magagawa ‘yung workshop. Ang tagal na niyong last, 2016 pa, hindi ko talaga maisingit dahil sa rami ng ginagawa sa IdeaFirst. Pero heto nakakuha ako ng tatlong buwan, lahat ng weekends sa tatlong buwan na ‘yun ide-devote ko lang talaga sa workshop.
“Excited talaga ako na maka-discover ulit ng new breed ng screenwriters. At saka mahilig talaga akong magturo. I mean ‘yung pagtuturo next to directing, it gives me joy talaga. Lagi nga akong ino-offer na magturo sa UST, sa UP, kung pwede lang talaga kaso wala akong time. Kaya nade-devote ko na lang ‘yung pagtuturo sa workshop.”
Matapos ang record breaking applications para sa Cine Panulat na umabot sa 748, mabusising screenings at interviews, finally nakapili na si Direk Jun ng 20 kalahok at workshoppers na kinabibilangan nina Gian Arre, Aminah Badawy, Cris Bringas, Chloe Cabodil, Jerom Canlas, Eluna Cepeda, Adel Clemente, Shane David, Kathleen Gonzales, Jonar Johnson, Jiggy Lim, Ryan Machado, Rhadson Mendoza, Valentino Nool Jr, Jose Maria Ramirez, Janica Regalo, John Rogers, Karlo Sevilla, Anna Francesca Talens, at Sofia Urmeneta.
Taong 2015 nang simulan nina Direk Jun ang Cine Panulat – a 3-month free of charge coaching and mentoring lab for aspring screenwriters. May competition component din ito na mabibigyan ng premyo at awards ang best screenplays.
Nasundan pa ang Cine Panulat ng sumunod na taon. Pero pagkatapos noong 2016 ay ngayong 2019 lang ulit ito nagbalik. Masuwerte ang napiling 20 kalahok dahil libre ang workshop tapos dekalibre at award-winning writer-director pa ang pangunahing mentor nila na si Direk Jun mismo.
Kabilang sa mga IdeaFirst writer-director ngayon na mga produkto ng Cine Panulat noon sina Prime Cruz, Dominic Lim, Ivan Andrew Payawal, Miko Livelo, Carlo Enciso Catu, at Fatrick Tabada.
Gumagawa na ng sarili nilang mga pangalan sa industriya ng pelikula sa pamamagitan ng pagsusulat at pagdidirehe ang mga naturang creative artist ng IdeaFirst. Mula rin sa Cine Panulat ang karamihan sa pool of writers ng IdeaFirst gaya nina Jen Chuaunsu, Ash Malanum, at Keavy Eunice Vicente.
PABONGGAHAN
ni Glen Sibonga