NGAYON talagang iniiwasan na iyang mga demandahan na iyan kasi nga masyadong masikip na ang ating mga korte. Maraming mga kasong kriminal na dapat madesisyonan na nabibinbin dahil sa rami ng mga kasong maaari namang resolbahin sa labas ng hukuman. Kaya nga kadalasan nagkakaroon muna ng mediation hearing, na pinag-uusapan iyang mga problema na inihaharap sa korte Kung maaaring pag-usapan na lang, para hindi na makasikip sa hukuman.
Iyan din ang dahilan kung bakit hindi dapat payagan ang “forum shopping,” iyong pagsasampa ng iisang kaso sa napakaraming piskalya na ang hangad lang naman ay baka makalusot sa isa kung maibasura man ng iba.
Parang ganyan lang ang nakikita namin sa kasong isinampa ni Mike Concepcion laban sa kanyang kapatid, ang actor na si Gabby Concepcion. Ang pinagtatalunan lang naman ay isang lupa na mahigit na 800 metro kuwadrado, na sinasabing ang tunay na may-ari ay ang kanilang inang si Lourdes Concepcion na nagmana noon mula sa kanyang mga magulang. Umano, naisalin ni Gabby sa kanyang pangalan ang nasabing lupa at naipagbili sa dating umuupa roon.
Ang akusasyon ni Mike, pinalsipika ni Gabby ang papeles at dahil sa ginawang iyon ay nawalan naman sila ng karapatan ng iba pa niyang mga kapatid na may karapatan din naman sa pag-aari ng kanilang ina.
Nagsampa ng demanda si Mike matapos na tumanggi umano si Gabby na makipag-usap sa kanila tungkol sa nasabing problema. Pero kung magkakausap daw sila ni Gabby, maaaring maayos pa ang problema dahil magkakapatid naman sila at hindi na dapat umabot sa ganyan.
Hindi nga ba mas mabuti kung makikipag-usap na lang si Gabby para maiwasan pa ang malaking gastos kung magdedemandahan pa sila?
HATAWAN!
ni Ed de Leon