GUSTO nating ikorek ang misconception ng marami nating kababayan sa katangian ng isang rebolusyonaryo.
Ang isang rebolusyonaryo po ay laging naghahangad ng mga bagong bagay, bagong ideya, bagong sitwasyon.
Ibig sabihin, ayaw nila ng stagnant.
Ayaw nila ng lumang kaisipan. Gusto nilang laging umiinog at umiikot ang mundo.
Kaya kung si Nur Misuari ang ating pag-uusapan, hindi na natin siya matatawag na rebolusyonaryo dahil siya ay nanatiling nabubuhay at nag-iisip sa panahon na 50 taon na ang nakararaan.
Nag-isip at nag-astang rebolusyonaryo si Nur sa panahon na wala pang LRT, hindi pa matrafik sa EDSA, at ang porma ng komunikasyon ay sa pamamagitan ng koreo, telegrama at telepono ng PLDT. Wala pang desktop at ang tinitipa ay isang mabigat na makinilya at hindi laptop. Wala pang cellphone na puwedeng gamiting detonator sa itinanim na bomba.
Malaking istorya pa noon ang bombahan hindi gaya ngayon na nagiging normal na ang pambobomba sa mga Cathedral sa Mindanao.
Kahit itanong pa ninyo kay Nur.
Ang kinatatakutang bangis ni Misuari na nakilala nating pinuno ng Moro National Liberation Front (MNLF) noong totoy pa tayo ay itinumba na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nag-anak ng iba’t ibang grupo o organisasyon na binabansagan ngayon terrorists groups.
Kaya isang malaking katatawanan ang sinasabi ni Nur na maghahasik siya ng gulo o giyera laban sa administrasyong Duterte kapag hindi naipasa ang federalismo.
Ayaw nating tawaging isang uugod-ugod at laos na rebolusyonaryo si Nur kasi disrespeto iyon sa isang taong kahit paano ay nakatulong sa pag-inog ng lipunang Filipino.
Ano na nga ba ang nangyari nang pumunuan niya noon ang ARMM?
Pero baka mas magalit naman si Misuari kapag sinabi nating nag-uulyanin (pasintabi po) na siya kaya mas gusto na lang nating sabihin na ‘supot’ ang ‘pasiklab’ ni Nur laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sana maisip ni Nur na isa siyang icon ng pagbabago sa isang sektor ng mga mamamayan sa isla ng Mindanao. Ngunit ang paggamit niya sa estilong ginamit niya limang dekada na ang nakararaan ay hindi na angkop sa panahong ito.
Sabi nga, nabubuhay tayo ngayon sa electronic world (e-World) na ang lahat ng bagay ay puwedeng maging apps. Ultimo pagkain, kalusugan at maging pagkonsulta sa abogado ay puwedeng sa apps na lang. Hindi sa desktop kundi sa hawak na mobile phone.
Hindi kaya alam ni Nur na maging ang giyerang ipinaninindak niya kay Duterte ay puwede na rin laruin sa online?!
Kumbaga, passé na passé na ‘yan.
Kaya kung naiinip ngayon si Nur Misuari at gusto niyang balikan ang nakaraan, ang masasabi lang natin umupo siya sa harap ng isang desktop at mag-upgrade ng pinakabagong version ng ‘clash of clans.’
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap