HINDI nawawala ang respeto ni Sen. JV Ejercito sa kanyang amang si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada. Bunsod ito ng pagpayag na tumakbo ring senador ang kapatid na si Jinggoy Estrada.
Aminado ang tumatakbo pa ring senador ngayong eleksiyon, na malaki ang epekto sa kanya ng pagtakbo ng kanyang kapatid. Kaya naman medyo nagtampo siya sa kanyang ama.
Pero iginiit ng re-electionist senator na, “Okay na kami (ng ama). Nagkita na kami. Matagal din kaming nag-usap kasi nga noong una hindi ako pabor na dalawa kaming (ni Jinggoy) pinayagan na tumakbo.
“Kasi ‘yung chances of winning ko, naapektuhan. Kasi, nanghihinayang din naman ako. Sabi ko, ang ganda naman ng performance ko, sana lang pinatapos muna (‘yung term ko). Kaya lang nandiyan na ‘yan, eh,” ani JV nang makipagtsikahan siya isang gabi sa mga entertainment press.
Giit ni JV ukol sa ama, “I owe a lot to him, ang buhay ko, kung nasaan ako ngayon, ‘di ba? So, siyempre nasaktan ako noong dalawa nga kami (tatakbo), hindi naman mawawala ‘yun, eh. Politika lang ito.”
Ang mahalaga kay JV, nagkausap na sila nga ama, “and it’s a good start,” sambit pa ng senador.
Ukol naman kay Jinggoy, hindi pa sila nagkaka-usap pero tiyak namang magkaka-ayos din sila.
“Kaya good luck na lamang sa aming dalawa,” anito pa.
Sa kabilang banda, ibinalita ng senador na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Health Care na matagal na niyang isinusulong.
“The Universal Health Care law will transform the health seeking behavior of Filipinos. UHC makes medical consultation and several basic laboratory tests affordable and accessible. This will allow the people to value their health more by regularly consulting with doctors.
“Ibig sabihin, hindi na mangangamba ang ating mga kababayan tuwing sila’y magkakasakit o sa mga pagkakataon na madapuan ng karamdaman ang kanilang mga mahal sa buhay,” giit pa ni Sen. JV.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio