HUMINGI ng paumanhin sa ABS CBN ang award-winning actress na si Aiko Melendez dahil napilitan siyang mag-back out sa Kapamilya teleseryeng Sandugo. Kailangang isakripisyo muna ni Aiko ang showbiz career para samahan ang kasintahang si Subic Mayor Jay Khonghun sa pangangampanya bilang vice governor ng Zambales sa May 2019 elections.
“Apologies to ABS CBN, kasi I was supposed to do a teleserye with them, ‘yung Sandugo. Nakita n’yo na ‘yung publicity shoot na ginawa ko. But sadly, hindi namin nakita kasi itong mangyayari, itong nangyayari ngayon sa sitwasyon namin ni Jay.
“So, I had to decline. Pasensiya na po and babawi po ako sa inyo. Mas kailangan lang kasi talaga ako ngayon ni Jay. Iyon lang, kaya pasensiya na po,” saad ni Aiko sa ipinatawag na thanksgiving party sa Chateau 1771 sa BGC para sa kanyang double victory as Best Supporting Actress for Rainbow’s Sunset sa 2018 MMFF at Gawad Pasado Awards 2019.
Wika pa niya, “Nakapagpaalam po ako nang maayos thru Tito Boy (Abunda) and humihingi po ako ng pasensiya kay Deo (Endrinal) at kay Direk Erick Salud dahil iyong role na iyon ay ginawa talaga para sa akin. But iyon, ibinigay na nila kay Vina Morales, which is I’m happy dahil kaibigan ko si Vina.”
Nabanggit din niya ang pagkakaabalahan sa simula ng kampanya. “You know, sa buhay ng tao, there’s always a reason, maybe hindi talaga para sa akin dahil mas kailangan ako ni Jay.
“So in that forty five days na ‘yun, we’ll be going around the whole Zambales kaya wala talagang time, so after niyon, God willing I know God is good sana bigyan ulit ako ng magandang project,” pahayag pa ni Aiko.
Bakas naman ang bigat sa dibdib na nararamdaman ng aktres sa pagkakadawit kay Mayor Jay as narco politician. “Iyong ma-accuse iyong taong mahal mo ng isang bagay na alam mong hindi totoo. Masama man pakinggan pero for him to be tagged as one of the narco politicians, that’s something so unfair.
“Kasi, if there’s one person who knows Jay very well, that should be me. And I’ve seen how he works. Wala akong nakitang illegal, e, sa telepono niya, wala akong naririnig na may kausap na kaduda-duda. Even ‘yung drivers niya-10 years, 15 years, mga staff niya, puro taon ang binibilang and sila mismo ang nagba-vouch sa credibility ni Jay.”
Wika naman ni Mayor Jay, “Bago pa ang isyung ito, Subic was awarded as the best implementer of Oplan Tokhang in Region 3, we are the first winner in best Oplan Tokhang in support kay President Duterte kaya nakagugulat biglang lumabas itong accusation na ito.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio