NAGHIHINALA ang Palasyo na artipisyal ang nararanasang kakapusan ng supply ng tubig ng mga kliyente ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo dapat imbestigahan ang pangyayaring ito.
Nakapagtataka aniya na may supply ng tubig ang Maynilad habang ang Manila Water ay walang maisuplay gayong parehong sa Angat Dam ang kanilang source.
Ayon kay Panelo, sa chat group ng cabinet members ay sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sinasabing puno naman ng tubig ang Angat Dam.
“Iyon nga ang sinasabi ni — parang iyon ang gist noong sinasabi ni Secretary Lorenzana e doon sa kaniyang chat na the water comes from Angat Dam and there is no shortage doon; as far as that particular dam is concerned – puno, walang kulang, so bakit nagkakakulang iyong distribution. So gaya ng sinabi ninyo kanina, kulang iyong ibinigay na allocation dito sa parte ng Maynila. E iyon siguro ang alamin natin bakit nagkaganoon,” aniya.
Nangangahulugan aniya na posibleng may mismanagement at problema sa distribusyon ng tubig ang Manila Water.
“E kung totoo na ang Angat Dam is punong-puno at lahat naman nanggagaling doon, o ‘di hindi nga totoo. So something is wrong with the efficiency in distributing as well as the quotas or the shares,” dagdag ni Panelo.
Kaliwa dam project mabubulilyaso kapag maraming tumutol
MAAARING hindi matuloy ang kontrobersiyal na China-funded Kaliwa Dam project kung may mga pagtutol ang mga residente, environmental groups at simbahang Katolika.
Ang pahayag ay ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo isang araw matapos ilako ni Finance Secretary Carlos Dominguez na ang Kaliwa Dam project ang tugon sa nararanasang krisis sa tubig ng mga kliyente ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.
“Well, if it affects the entire community, I don’t think itutuloy iyon,” ani Panelo hinggil Kaliwa Dam project.
Napaulat na ang pagtutol ng iba’t ibang grupo sa konstruksyon ng Kaliwa Dam project ay dahil labag ito sa batas; mapanganib dahil itatayo sa sona ng Philippine Fault Zone at Valley Fault System, isa itong “debt trap,” puwedeng magiging sanhi nang pagbaha sa watershed mula Infanta hanggang Tanay,Rizal; at binabalewala ang epekto ng climate change.
Kabilang sa mga grupong matindi ang pagkontra sa proyekto ay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), Alyansa Laban sa Kaliwa Dam, Save Sierra Madre Network Alliance, Purisima, Task Force Sierra Madre at Tribal Center for Development.
Naniniwala si Panelo na mas mabuting magtayo ng reservoir ang bawat siyudad at lalawigan para pagkuhaan ng supply ng tubig.
(ROSE NOVENARIO)
Sagot sa water crisis
Tubig sa swimming pool ng mga hotel tipirin car wash limitahan
HINDI biro ang dinaranas na water crisis ngayon ng ilang lugar sa Metro Manila kaya’t kumilos na rin si Manila Mayor Joseph Estrada upang makatulong.
Kahapon ay inatasan ni Estrada ang mga empleyado ng city hall na magtipid sa tubig at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga gripo sa lahat ng pasilidad ng lokal na pamahalaan.
Partikular na pinakilos ni Estrada si City Administrator Atty. Ericson Alcovendaz upang magtalaga ng mga inspector sa mga banyo ng city hall at parke na nasa pamamahala ng lungsod para siguraduhing walang nasasayang na tubig.
Maging ang mga hotel at car wash business ay pinakiusapan ni Estrada na maging masinop sa tubig dahil chain reaction ang nangyayari ngayon sa kakulangan sa supply ng tubig.
Paliwanag ni Estrada maaaring magtakda ng quota ang mga car wash business upang hindi masyadong maraming tubig ang nasasayang.
Gayondin ang mga hotel na huwag munang magpalit ng tubig sa swimming poolkung hindi kinakailangan.
Pinaghahanda rin ng alkalde ang mga bombero sa posibleng pagrarasyon ng tubig sa mga komunidad na mahigpit ang pangangailangan.
“Hatiran natin ng tubig lalo na ang mga komunidad na maraming sanggol at mga senior citizens dahil kailangan talaga ang tubig,” dagdag ni Estrada.
Pinatitiyak din ni Estrada na sapat ang supply ng tubig sa mga ospital sa lungsod upang hindi masakripisyo ang pangangailangan ng mga pasyente.