STORY conference pa lang, riot na ang isinagawang story conference ng pelikulang Two Love You na nagtatampok kina Yen Santos, Hastag Kid Yambao, at Lassy Marquez, na handog ng OgieD Productions, Inc., at Lone Wolf Productions, Inc..
Bale ikalawang beses na pagpoprodyus ito ng kaibigang Ogie Diaz. Ang una ay ang Dyagwar: Havey o Waley (2012) na pinagbibidahan nina RR Enriquez, Eric Fructuoso, at Boom Labrusca.
Muling nag-prodyus si Ogie dahil dream project niya ito. “Dream project ko ito eh. Tapos nag-uusap kami nina MC (Calaquian) at Lassy ukol sa kuwento kaya nabuo ito dahil noon pa kami may pangarap na bumuo ng kuwento.
“Taong 2010 pa lang nag-iisip na kami ng kuwento. Gusto ko silang (MC at Lassy) mag-level up kasi bugbog na rin sila sa kaka-support. Kaya sabi ko sa kanila kung magsu-support sila , kay Vice Ganda lang,” sambit pa ng komedyante.
Ayon pa kay Ogie, Two Love You ang titulo ng kanilang pelikula na ang marami ang ibig sabihin.
“The title is came from Kuya Ogie,” susog ni Direk Benedict Mique. “He message it to us, sa team, at lahat kami nagsabi na ‘‘yan na, ‘yan na, ang ganda.’’ Kasi marami siyang gustong sabihin in terms of the story.”
Isang rom-com na family story ang Two Love You at concept ito ni Ogie. “Siyempre mayroon na akong anak, may misis pa. So mayroon ditong scene na hinugot ko sa buhay ko. Katulad ng…basta kapag nakita na ninyo itong tatlong bida, kaya nga Two Love You, kasi siya mahal niya itong dalawa (Lassy to Kid, to Yen) nang hindi nila alam na dalawa pala ang mahal nila.
“Kumbaga kaya ganoon ang title, dalawa ang mahal niya pero hindi alam ng isa na dalawa pala ang mahal niya,” paliwanag pa ni Papa Ogs.
At dahil istorya niya ito, sino sa mga character na magsisiganap si Ogie? “Sino ba ako? Ako ba si Yen? Hindi ko ito life story ha. Mayroon lang dukot sa buhay ko na ipinagawa ko kay Lassy, lovescene nila, hahaha. Nakatatawa ang lovescene nila kaya kaabang-abang ang scene na iyon.”
Pagpapatuloy pa ni Ogie, “Kaya ‘yung mga taong nakapaligid sa kanila, iiyak siya (Lassy) rito. si Kid nanay niya si Arlene (Muhlach) mahal nila ang isa’t isa, si Elaine (Yu) naman ay laging bigo sa negosyo, pag-ibig, at sa lahat ng raket na pinapasok niya, lagi siyang bigo pero at the end of the day ang priority niya ang anak niya. Sina Diosa at MC ang babali kay Lassy.”
Kasama bang aarte si Ogie sa pelikula? “Sa gastos, ha ha ha.”
Sa huli sinabi ni Ogie na umaasa siyang makapasok ang pelikula nila sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio