THE theaters have spoken (hindi lang ang madlang pipol!).
Ang tinutukoy namin ay ang maituturing na biggest flop of all time, walang iba kundi ang Robin Padilla starrer na Bato movie na biopic ng dating police general.
Sa isang sinehan sa Quezon City, kumalat ang litratong kuha sa mismong loob nito na iilang upuan lang ang okupado. Hiwa-hiwalay pa.
Wala ring pila sa takilyera, patunay ngang mababa ang turnout nito.
Sa mga sinehan naman sa Makati ay nakadalawang araw lang ang pelikula, inialis ito agad. Oo nga naman, kung wala rin lang manonood nito’y isang malaking pag-aaksaya lang ‘yon sa koryente.
Bago pa man ang showing ng Bato’y may panawagan nang iboykot ito. Kabilang sa mga nanawagan, ironically, ay mga taga-industriya pa mandin.
Walang nagawa ang pakikisama ni Robin sa kanyang mga kabaro na nanguna pang huwag tangkilikin ang malinaw namang isang propaganda movie para isulong ang ambisyon ng dating PNP chief na maging senador.
Naiimadyin na namin ang walang mapagsidlang pagkadesmaya ng prodyuser nitong si Arnold Vegafria. Magsusugal din lang siya sa karera, sa mali at kukupad-kupad na kabayo pa niya napiling tumaya, hayan tuloy.
Ewan kung apektado rin ang benta ng Bench na isa rin sa mga nagbigay ng suporta sa Bato movie. Sana’y nag-concentrate na lang ang negosyong pag-aari ni Ginoong Ben Chan sa kanyang clothing line kaysa maging pasimuno sa isang propagandang pumoprotekta lang sa interes ng ilang mga kandidato at hindi sa interes ng buong mamamayang Filipino.
Masamang pangitain ang hatid ng pagiging isang certified flop ng Bato, lalong-lalo na sa pinagkunan ng kuwento nitong umikot nga sa dating hepe ng PNP na isinasangkot sa mga EJK killings.
Isang napakalaking dagok ito sa inaakala pa manding malaking tsansa ni Bato to make it to the top 12 sa “araw ng paghuhukom.”
Hindi pa man kasi’y nahusgahan na siya. And Bato had better rethink his political strategy.
He might want to take a cue mula kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque na tumatakbo rin sa parehong elective post. Dahil tagilid siya sa survey—idagdag pa ang kawalan ng suporta mismo sa administrasyong “pinagsipsipan” niya—hayun, kiyeme-kiyemeng may matinding health problem at umatras sa laban.
Bato’s dismal box office turnout ay masahol pa sa isang makapanindig-balahibong horror movie. Malamang na ang kawalan nito ng mga manonood ay katumbas din ng bilang ng mga boboto sa kanya.
Hindi imposible.
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III