NAGPAHAYAG na ang Department of Health (DOH) na may umiiral na measles outbreak hindi lang sa Metro Manila kundi pati na sa mga lugar ng Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas at Eastern Visayas kaya hinihimok ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas.
Ang tigdas o measles ay isang respiratory disease na malakas makahawa bunga ng virus nito na naililipat sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo o sa malapit na pakikipag-ugnayan. Ang palatandaan o sintomas nito ay ang pagkakaroon ng ubo, mahigpit na sipon, pamumula ng mata, lagnat at skin rashes o batik-batik na pamumula sa balat nang mahigit tatlong araw.
Noong Sabado ay nag-anunsiyo ang San Lazaro Hospital na nagsisiksikan na ang mga pasyente dahil may 275 kaso ng tigdas sa kanilang ospital. May 60 tao na rin ang nasawi sa tigdas sa naturang ospital mula noong Enero.
Ayon sa DOH, hindi nila nagawang maisama ang lahat ng bata sa kanilang kampanya laban sa tigdas dahil may mga magulang na nangangamba sa epekto nito na baka matulad umano sa mga naturukan ng Dengvaxia.
Ang masaklap ay napagbubuntunan ng sisi ng ilang doktor, mambabatas at pati na ng DOH sa pagbaba ng bilang ng mga nabakunahan laban sa tigdas si Public Attorney’s Office (PAO) chief Attorney Persida Acosta dahil sa pagpipilit umano na iugnay ang bakuna laban sa dengue na Dengvaxia sa pagkasawi ng ilang mga bata.
Nagpahayag ang isang senador na nagdulot daw si Acosta ng ‘hysteria’ sa mga magulang kaya natakot silang pabakunahan ang kanilang mga anak, na nagresulta sa pagkakaroon ng measles outbreak.
Kahit saang anggulo tingnan ay hindi makatarungan na ibunton sa PAO chief ang sisi rito. Batid naman ng lahat na ang mahigpit na nagtatanggol sa mga magulang ng mga kabataang nasawi sa Dengvaxia simula’t sapol ay walang iba kundi si Acosta.
Ginagampanan lang ni Acosta ang kanyang tungkulin bilang abogado ng mahihirap na dapat papurihan imbes sisihin at kalabanin. Maging ang Malacañang ay walang nakikitang dahilan para ibunton ang sisi sa PAO chief. Higit sa lahat ay hindi si Acosta ang namumuno ng DOH na tungkuling magsagawa ng pagbabakuna. Huwag maghanap ng masisisi.
Walang magagawa ang pagtuturuan at pagsisisihan dahil hindi nito malulutas ang problema. Dapat ay maghanap ng mga paraan kung paano ito masosolusyonan.
Ang DOH ang nakatokang mamahala sa pagbabakuna kaya dapat kumilos sila upang maipaliwanag nang husto sa mga magulang ang kahalagahan ng pagpapabakuna para maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa virus ng tigdas. Bahay-bahay na pagbabakuna ang isagawa.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.