HINDI napigilang maging emosyonal at maiyak ng award-winning actress at BeauteDerm ambassador na si Sylvia Sanchez sa presscon ng pelikula niyang Jesusa nang hingan ng reaksiyon ng entertainment press kaugnay ng bashers niya pati na rin ng mga anak niyang sina Arjo at Ria Atayde.
Umano’y ilang fans ng tandem nina Alden Richards at Maine Mendoza o AlDub ang nangba-bash sa pamilya ni Sylvia lalo na sa social media.
Nag-ugat ang pamba-bash lalo na kay Arjo dahil sa pagkakaugnay ng aktor kay Maine nang aminin nitong exclusively dating sila ng aktres, na nakapareha niya sa pelikulang Jack Em Popoy: The Puliscredibles.
“Ngayon lang ako magsasalita, eto na ‘yun. Sobrang mahal ko ‘yung pamilya ko. Sobrang mahal ko ang mga anak ko, ang asawa ko, ang buong Atayde family, pamilya ko sobrang mahal ko. Since September hanggang last Friday wala akong inalmusal kundi bawat gising ko puro mura, puro pambabatikos, puro panlalait sa mga anak ko, sa akin, sa asawa ko, sa buong pamilya. Basta pinagmumura ako ng kung ano-anong klaseng mura na masasakit. Tahimik ako, ayokong patulan, kasi sabi ko mawawala rin yun,” panimulang pahayag ni Sylvia.
Pero dumating sa puntong hindi na niya kinayang manahimik at huwag sumagot. “Last Friday, mayroon isang account na tinag ako. Ang sabi niya, ‘Sylvia Sanchez, ina ka rin. Nakikiusap ako na pagsabihan mo si Arjo na tigilan na niya si Maine. Nasasaktan ako bilang ina. Durog na durog na si Maine sa sobrang panggagamit ni Arjo.’
“Ganoon ‘yung message. Ngayon, sinagot ko iyon, kasi sinabi sa akin na, ‘Nakikiusap ako ina sa ina.’ Ginawa ko sinagot ko siya, sabi ko parang, ‘ina rin ako, naiintindihan ko ‘yung nararamdaman ni Arjo at ni Maine. Naiintindihan ko yung nararamdaman ko, kasi binanggit din ‘yung mommy ni Maine, sabi ko ‘naiintidihan ko. At naiintindihan kita, tara usap tayo. Kita tayo 7pm sa Resorts World sa Café Maxims.’
“Noong sinabi ko ‘yun na magkita tayo, noong sinabi ko na mag-usap tayo, totoo ‘yun na galing sa puso ko bilang sabi niya ina siya. Gusto kong makipag-usap din sa kanya bilang ina rin. Sabi ko nga sa kanya, ‘ina sa ina usap tayo.’
“Hindi ako makikipag-usap sa kanya dahil manggugulo ako. Hindi ako makikipag-usap sa kanya dahil mang-aaway ako. Hindi ako palaaway na tao. Siya ang unang nagsabi sa akin na ina siya, ina rin ako, ‘di ba dapat nag-uusap nang maayos? Dapat pag-usapan ang problema.”
Higit sa panlalait at pagmumura, mas matindi pa ‘yung dumating sa puntong nakatatanggap na siya at ang pamilya niya ng death threats sa social media.
“Bukod sa mura, bukod sa panlalait, bukod sa pamba-bash sa aming lahat. Nakakita ako ng account na nagsasabing, ‘Patayin si Arjo! Patayin si Ria! Patayin natin si Sylvia! Patayin natin ang pamilya Atayde!’ At mayroon pang nag-post diyan na, ‘Isang bala ka lang!’ ‘Pag nakita mo ‘yung mga nag-uusap, alam natin na si Arjo ang tinutukoy.
“Ngayon ako bilang ina, sabihin mo na sa akin ang lahat ng masasakit na salita, laitin mo na ang pagkatao ko, halughugin mo na ang nakaraan ko. Sabihin niyo, patayin niyo na ako, okay lang. Pero noong masabi ko ‘yung sasabihin at babantaan ang mga anak ko, tiniis ko lahat since September. Bumigay ako noong Friday.
“Ina ako na nagtitimpi, ina ako na nasasaktan para sa mga anak ko. Kahit sino na ina na lalaitin ang anak mo, masakit iyon, pero tiniis ko ‘yun. Pero ‘yung makita ko na sabihin niyong mga AlDub Nation fans, hindi man lahat, kasi naniniwala pa rin ako na mayroong fans ang AlDub na mababait, na good heart. Pero mayroon ding bashers talaga,” umiiyak na lahad ni Sylvia.
Emosyonal pa niyang pakiusap, “Eto na lang ang pakiusap ko sa inyo bilang ina. ‘Yung pagbabanta niyo na patayin si Ria, si Arjo, ako, asawa ko… Ako na lang, ako na lang! Barilin niyo ako, patayin niyo ako, tanggalin niyo ang buhay ko sa akin, tatanggapin ko. Ako na lang! Bilang nanay, huwag na ang mga anak ko, huwag na sila. Nakikiusap ako roon sa mga tumitirang AlDub Nation, ako na lang ang patayin niyo!”
Marami pang tanong ang press kay Sylvia pero pakiusap niya, “Basta huwag na nating detalyehin. Iyon lang ang gusto kong sabihin.”
PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga