NGAYONG nagsimula na ang panahon ng pangangampanya ay nais nating paalalahanan ang ating mga kababayan na pag-isipan nang husto kung sino-sino ang mga lokal at pambansang opisyal na kanilang pagtitiwalaan ng kanilang boto sa pagsapit ng araw ng eleksiyon sa Mayo.
Alalahanin na tulad nang dati, gagawin ng ilang politiko ang lahat ng makakaya para makuha ang mga boto ng kanyang mga nasasakupan. Ang iba ay mambobola, magsisinungaling at mangangako na gagawin ang mga bagay-bagay na wala naman silang balak tuparin para lang makuha ang tiwala ng mga botante.
Sa dinami-dami ng mga negatibo nating karanasan sa kamay ng mga abusado at corrupt na opisyal sa mga nakalipas na panahon, marahil ay gising na ang karamihan sa katotohanan at hindi na magpapagamit muli sa kanilang mga kalokohan.
Ang eleksiyon ay nagbibigay ng panibagong simulain hindi lamang para sa mga politiko at mga mamamayan kundi para sa buong bansa. Itanim natin sa isipan na sa halalan lang tayo makababawi at makakikita ng legal na paraan upang matuldukan ang pamamayagpag, pang-aapi at pang-aabuso ng mga opisyal na hindi naman karapat-dapat maluklok sa puwesto at mamuno sa bansa.
Piliin ang tamang mga lider na nagpakita ng tunay na pagsisikap at taos-pusong pagmamalasakit upang makapaglingkod sa bayan. Pagkatiwalaan ng boto ang politiko na dadalhin ang bansa at mga tao sa tamang direksiyon at kayang pagkaisahin ang mga mamamayan na halos nagkawatak-watak na dahil sa magkakaibang opinyon at paniniwala.
Siguro naman, ngayon ay batid na natin kung sino-sino ang tunay na nagmamalasakit para sa ating kapakanan at nararapat nating paniwalaan at irespeto. At siyempre, alam na rin natin kung sino ang peke, puro pagpapanggap lang ang ipinakikita at sarili lang ang pinahahalagahan. Kung ang politiko ay matakaw lang sa kapangyarihan ay hindi na natin dapat pang pagbigyan at pagtiwalaan.
Tiyak babaha ng pera pero huwag masilaw sa kinang ng salapi na maaaring ipambili ng inyong mga boto. Kung sakaling hindi maiiwasang tumanggap ng pera dahil sa hirap ng buhay o personal na suliranin, pagdating sa presinto na pagbobotohan ay piliin pa rin ang pangalan ng tamang opisyal na inyong ihahalal.
Samantalahin natin ang pag-asa na ibinibigay ng darating na halalan. Huwag natin aksayahin ang panahon at pagkakataon na iboto ang mga wastong lider. Alalahanin na kapag pumalpak tayo sa pagkakataong ito ay maaari tayong magdusa sa loob ng tatlong taon sa ilalim ng pamumuno ng isang makasarili, corrupt at abusadong pinuno. Ayaw na nating maulit ang dating pagkakamali dahil nakataya ang kapakanan ng bansa, ng mga mamamayan at pati ang ating kinabukasan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.